Hindi pa man
Tumitilaok ang mga manok,
O sumisikat ang haring araw,
O tumutunog ang alarm ninuman,
Naaamoy ko na ang bawang sa niluluto mong sinangag.
Hindi pa man
Nagsasabing gusto kong
Sumama sa field trip namin
Kahit malapit lang ngunit mahal
Lagi mo akong pinapayagan, pati baon binibilhan.
Hindi pa man
Nagpapaalam na aalis
At uuwi ng hatinggabi
Magpapaalala na agad na mag-iingat
At "huwag magpagabi", kahit gabi na.
Hindi pa man
Nagsasabi na may masakit sa akin
Na may karamdaman
Tuwing gigisingin kita sa gitna ng iyong tulog
Dali-dali kang babangon, hanggang ako'y makatulog.
Hindi pa man
Nakikita o nahahawakan
Dahil nasa loob pa ako ng iyong tiyan
May mga pangarap ka na para sa akin
Na kasama kitang tutuparin.
Hindi pa man
Nakararanas na maging ina
Alam ko ang hirap, alam ko ang saya
Ang makita ang iyong mga anak na inaabot
Ang mga pangarap na sa'yo lamang noon.
Hindi pa man
Nagpapaliwanag, nagsasalita
Naiintindihan mo na, nababasa mo sa mukha
Kung ako'y nagkasala, at nagsisisi
O uulitin lamang ang mali, babalik rin sa dati.
Ang pagiging ina ay hindi madali
Lalo na't habambuhay kang nagbabakasakali
Sa anumang paraan para mapagaan ang buhay
Ng iyong mga anak, o makapagpataas ng bahay.
Aking ina, maraming salamat
Sa iyong mga pangarap
Na masarap abutin lalo na't
Nakikita ka namin
Na sumasaya rin.
Hindi pa man
Sabihin na kailangan ka namin
Na huwag mo kaming iwan
Na diyan ka lang sa aming tabi
Nariyan ka, nariyan ka lagi,
At yun rin naman ang aming pangako sa'yo, Mami.
Patawarin mo kami sa aming pagiging bata,
Malalaman rin namin ang iyong pakiramdam
Pagdating ng panahong kami naman ang susulatan
Ng tulang tulad nito sa aming kaarawan.
Maligayang bati, mahal naming ina!
Habambuhay tayong magkakasama.
Ang ganda!
ReplyDeleteHappy Birthday kay Mami! ^_^
Wow, salamat! :)
ReplyDeleteSabihin ko sa kanya. Hehe. Salamat! :D