Monday, January 10, 2011

Yakap

Tatlong araw ang lumipas
Walang kibo, walang imik
Sumasagi sa isipan, napag-uusapan
Ngunit kailangang magtiis, kailangang matuto.

Hinahanap ka nila, kung bakit ika'y
Wala sa aking tabi, kanilang nakasanayan
Aking nakasanayan, iyong nakasanayan,
Pero bakit nga wala, pero bakit balisa?

Nang tayo'y tumalikod, sinubukang kalimutan
Parang pinatay ko rin ang sarili ko.

Bawat lugar na daanan,
Bawat pagkaing isusubo,
Bawat salitang maririnig,
Bawat hanging darampi,

Ikaw ang nasa isip ko.
Lahat tungkol sayo.
Lahat ng ako'y ikaw.

Hindi talaga kita kayang tiisin, kahit pa sabihing
"Hayaan mo siya, babalik rin yan."
Sa tagal ng panahong labi'y di nagdampi,
Sinabi sa sarili'y, "mahal kita'ng talaga."

Noon lang ako nangulila ng ganoon,
Hindi na hahayaang maulit pa.
Kaya ng ako ay pinaunlakan mo ng pagkakataon,
Hindi ko 'yun sasayangin, hinding-hindi na.

Dumating nga ang araw na iyon,
Ika'y nakita kong nakatalikod
Anung kaligayahan ang bumalot sa akin,
Nang magkita ang ating mga mata, ako ay nabuhay muli.

Braso mo'y tila bukas sa aking katawang matagal nang
Di naaakap, nayayapos
Kaya nang ako'y lumapit, di nagdalawang isip
Yakapin ka, halikan ka, mahalin ka.

Mahal na mahal kita.

Doon at noon rin,
Sa iyong mga bisig,
Pinatawad mo ako
At aking naramdaman,
Mahal na mahal mo talaga ako...

Sa yakap na iyon.

No comments:

Post a Comment

May gusto ka bang sabihin?