Showing posts with label pag-ibig. Show all posts
Showing posts with label pag-ibig. Show all posts

Tuesday, May 20, 2014

Usapang Ex

Nakaka-"move on" ka ba talaga sa isang taong dati mong minahal?

Paano mo masasabi na hindi mo na siya mahal?
Dahil ba hindi mo na siya naaalala sa bawat paggising mo sa umaga?
Dahil ba hindi mo na hinihintay ang mga text niya tuwing kakain ka na?
Dahil ba hindi mo na siya nakikita sa mga panaginip mo?
Dahil ba hindi mo na nararamdaman ang kilig, di tulad noon?

Paano mo masasabi na wala na ang dating pagsinta?
Dahil ba may iba ka nang mahal ngayon?
Dahil ba may iba na siyang mahal ngayon?
Dahil ba hindi na kayo nag-uusap, o nagsasabihan ng "Mahal kita."
Dahil ba hindi mo na nararamdaman na kailangan mo siya, di tulad noon?

Paano mo masasabi na matagumpay ka sa paglimot sa kanya?
Dahil ba hindi mo na siya naiisip o inaalala kung nakauwi na ba siya?
Dahil ba wala ka nang pakialam kung sinong kasama niya?
Dahil ba binura mo na ang cellphone number niya?
Dahil ba may iba ka nang mahal ngayon?

Para sa akin, walang sinuman ang nakaka-move on ng legit.
Kahit papaano, may onting kurot tuwing naaalala mo ang nakaraan
Kahit papaano, may kaunting kilig pag naaalala mo ang mga pinagsamahan
Kahit papaano, may kakarampot pang pagsisisi o pag-asa 
Kahit papaano, may natitira pang pag-ibig para sa kanya sa puso mo.

Para sa akin, hindi mo siya kailanman makakalimutan
Maliban nalang kung magka-amnesia ka.
Dahil hindi mo gugustuhing makalimutan ang isang pagkakataon sa buhay mo
Na nagmahal ka lang ng lubos; na nagmahalan lang kayo.
Kahit ano pa mang naging dahilan ng paghihiwalay ninyo, kahit papaano, naging isa kayo.

Para sa akin, ang pag-mo-move on ay hindi madaling gawin
Kailangan mong mahanap sa puso mo na napatawad niyo na ang isa't isa
Kailangan mong matanggap na masaya na kayo, pero di niyo na kailangang maging kayo.

Para sa akin, ang pag-mo-move on ay hindi madali, pero hindi rin mahirap gawin
Kailangan niyo lang respetuhin na sa buhay na ito, 
Nagampanan mo na ang parte mo.

Wag mo na siyang gambalain, wag mo na siyang kaibiganin
Wag mo na siyang kausapin, wag mo na siyang kamustahin
Imbis na buklatin mong muli ang inyong nakaraan
Ilaan mo nalang ang oras mo sa iyong kasalukuyan.

Tandaan: Sa lahat ng iyong gagawin, pipili ka lamang ng isa sa dalawa. Nawa'y piliin mo ang karapat-dapat palagi.

Saturday, May 26, 2012

Tiwala


Hindi magpapadala
Sa galit na nadarama
Nang aking makita
Ang litratong kasama siya.

Hindi magtatanim
Nang kahit anung lihim
Hindi magbabadya sa dilim
Walang galit na kinikimkim.

Magtitiwala
Maniniwala
Sa iyong salita
At iyong gawa.

Sinabi mong ako ang tunay,
Nag-iisa't walang kapantay
Hanggang sa mamatay
Hindi maghihiwalay.

Maniniwala
May tiwala
Magtitiyaga
Sa pag-unawa

Para saan pa ang pag-ibig
Kung madaling mawawala
Kung wala kang tiwala?
Wala.

Paano

Paano natatapos ang pagmamahal
Paano natitigil sa pagaalala
Paano nalalaman na higit mo siyang mahal
Paano nawawala ang pagpapahalaga.

Paano nahihinto ang pagibig
Paano naibibigay sa iba
Paano nakakalimutan ang isa
Paano natututunang piliin ang iba.

Paano nararamdaman ang katapusan
Paano nabubuo ang simula
Paano nililimot ang nakaraan
Paano gigising sa umaga.

Paano nasisimulan ang pagmamahal muli
Paano nakakasigurong mahal kita
Paano nasasabing hindi na kita mahal
Paano natatapos ang pagmamahal?

Wednesday, May 16, 2012

Walang hangganan

Yayapusin kita
Hanggang sa
Hindi mo na maalala
Kung sino ka.
Hahalikan kita
Hanggang sa
Dumugo na ang labi
Sa pagkagat at pagsanggi.
Mamahalin kita
Hanggang sa
Walang hangganan.
Yayapusin kita ngayon
Hahalikan din
Ngunit mamahalin kita
Araw-araw
Parati at palagi
Parehas man 'yun
Gagawin ko pa rin.
Mahal na mahal kita.
Kahit kailan, kahit saan,
Ikaw lang.
Yapusin mo ako
Halikan mo ako
Kahit 'wag mo na akong mahalin
Mamahalin pa rin kita.
Walang hangganan.

Wednesday, November 23, 2011

Ikalawang buhay

Nakakatuwa noong una kang makita
Nakasuot ng puting t-shirt, batang-bata
Mga mata'y malikot, ngunit may kaunting hiya
Alam mo bang ngiti't tawa mo'y nagpapasaya
Sa isang batang payat na nakasilip sa bintana.

Walang lakas ng loob magpakilala
Hanggang titig at tingin, titili na lamang bigla
Tuwing kami ay bibisita sa bahay ng aming lola
Hangad lagi'y sana'y makita ka
Bumubulong ng dasal, humihiling kay Bathala.

Kung hindi man masulyapan, leeg ay humahaba
Tuwing may mag-do-doorbell sana'y hindi bisita
Nagbabakasakaling ikaw ang makita
Nakatayo, nakaabang, may pinggang dala-dala
Dali-dali akong magsusuot ng tsinelas, kakaripas pababa.

Kapag kaharap ka na'y ang hirap nang huminga
Minsan natatapos ang usapan ng walang salita
Minsan nama'y may tanong na isa, o bigkas na walang kwenta
Pero sa bawat pagkakataon na nakikita ka
Nabibingi sa aking pagtili maging ang aking lola.

Dumating ang pagkakataong ikaw ay nakausap na
Hindi man sa personal, pero langit ay tila narating ko na
Habang nagta-type, dis-oras ng gabi'y nakatanga
Sa bawat salitang bumubulaga sa aking mukha.
Di baleng magkandapuyat-puyat, lumabo ang maliliit na mata.

Paano pa noong sinabi mong ako'y mahal mo na pala
Pwede na akong mamatay, p@&#!(!#(!!!
At sa araw-araw na tayo'y nagkakasama
Iisa lang ang nasa isip tuwina
Natatakot, nagdududa, baka ako'y nananaginip lang pala.

Kinukurot ang sarili, ngunit tunay ka ngang talaga
Dahil para sa aki'y isa kang pangarap na nagkatotoo na
Hindi ko makakalimutan yaong isang umaga
Na nasilayan kita ng unang-una noong tayo'y bata pa
Hindi ko pa man alam kung ano ang pag-ibig, minahal na kita.

Hanggang sa minutong tinatapos ko itong aking tula
Hindi pa rin ako makapaniwala
Na ang isang lalaking sa pangarap ko lang noon sinisinta
Ngayo'y sinasabihan ako ng, "mahal na mahal kita."
Magkasama na tayo hindi lang isang taon, kundi dalawa.

Maligayang ikalawang taong anibersaryo, sa atin Mahal ko!
Hangad ko'y makasama ka hanggang sa ikalawang buhay ko.

2011.11.23

Saturday, June 18, 2011

Pag-ibig

Bakit ganito ang pag-ibig?

Mapaglaro.

Taksil

Mapagsamantala

Masama

hindi makatarungan

Madaya

Dapat ang Ganito ang Tunay na Pag-ibig hindi nagtatampo, Hindi Naglalaro, Hindi Naninibugho.

Dapat hindi sakim, hindi madaya, hindi nakakasakit.

Dapat Maalab ang damdamin.

Dapat walang poot at pananamantala.

Dapat Sikaping makapiling siya, Kahit Hindi Hingin ng Panahon

Dapat manaig ang pag-ibig, hindi ang pagkukunwari

Dapat Makatwiran ang Pag-ibig, Hindi Nagaalinlangan.

Dapat mapagbigay, hindi nagdaramot

Dapat marunong Umunawa, Hindi nagdududa

Dapat marunong makinig, hindi makialam

Dapat Gawing Buhay, Hindi gawing Bagay

Dapat ituring na biyaya, hindi kasalanan

Dapat Ituring na Magtatagal ang Pagmamahal, Hindi Ituring na isang Kanta, Maikli.

Dapat may ritmo, tumutugma sa bawat kumpas, parang tula na may tugma

Dapat Huwag Magtanong Kung Hanggang Kelan at Hannggang Saan, Hanggat Buo ang daidig Walang titigil.

Dapat walang simula o katapusan, kundi sa gitna lamang kayo mananahan

Dapat walang tanonga Hangat may Pintig ang Puso at may saysay ang Kasaysayan, Hanggat naririto Tuloy lang

Bawat pintig, pag-asa

Bawat Karanasan may katuturan.

Bawat ngiti, may hiwaga

bawat paano siya ang Paraan

Bawat bakit siya ang dahilan

Bawat Ginaw siya ang Kumot

Bawat init siya ang lamig

Bawat Idlip, siya ang Antok

Bawat gabi siya ang araw

Bawat petsa siya ang kailan

At bawat paghinga, siya ang dahilan.

At Bawat Sugat, siya ang gamot

Ang pag-ibig ay may sariling tinik, masakit, ngunit siya ring hihilom sa sarili niya.

Ang Pag-ibig ay may Laya, Kahit hindi pa nakakamtam,

Ang pag-ibig kailanmay totoo, hindi nandaraya

Ang Pag-ibig Katulad ng Rosas Singtingkad ng dugo, Nagbibigay Buhay sa bawat Puso, tinik ay sagisag ng tapang at Hitik.

Ang pag-ibig ay walang hanggan, hindi natatapos sa isang paalam.

Ang Pag-ibig Hindi kukupas, hindi malalanta Kapag Inalay mo ito.

Ang pag-ibig ay mamamatay, kung iyong ikukubli't ilalagak sa kawalan

Ang Pag-ibig kahit sumibol sa Panahong marahas, kung bawat pagsubok naman ay iyong hinarap ikay isang mandirigma.

At kung iyong mapagtagumpayan ang pag-ibig sa gitna ng sigwa, ituring mo ang iyong sariling isang pinagpalang mandirigma.

Ang Pag-ibig dapat Nagbibigay Pag-asa sa bawat PUso.

Ang pag-ibig nagbibigay liwanag sa bawat isipan.

Ang Pag-ibig Iisa lang ang binubulong ng damdamin ikaw lang.

Ang pag-ibig iisa lang ang sinisigaw-- makasama ka.

Ang Pag-ibig dapat ikaw lang.

Ang pag-ibig hindi pwedeng ikaw o siya

Ang Pag-ibig Iisa ang langit at iisa ang pag ibig.

Dahil ang langit at ang pag-ibig ko ay iisa.

Ang Pag-ibig walang Alinlangan, Walang Pagsisisihan. at handang Ipaglaban

Ang Pag-ibig Iisa ang Pinaglalaanan, Ngayon at sa Kinabukasan.

Dahil hanggang sa huli, ang pag-ibig ay pag-ibig kailanpaman.

Ang Pag-ibig ay Pag-ibig Ito'y Mananaig.

Thursday, May 19, 2011

"Si Kevin"

Narinig ko ang pangalan mo
Ngunit hindi ikaw ang tinawag
Ngunit bakit sa isang sambit
Lang ng pangalang binubuo
Ng limang letra.

Ako ay tumingin
Ngunit alam ng aking diwa
Na hindi naman ikaw
Ang tinawag kundi
Tanging pangalan mo lang?

Dahil lahat ng ikaw
Lahat ng sayo
Iniibig ko.

Kakaiba ang nadama
Nang tumikwas ang mga salita
Pumanaog sa hangin
Dumampi sa tainga
Hiniling na sa pagbigkas
Ay makita rin kita.

Laging hinahangad
Pumapalaot sa isipan
Tuwing inaantok
Laging gising ang puso
Panay tuloy ang pasok
Ng inspirasyon.

Kailangang huminga
Mula sa pagkatirapa
Nang marinig ang 'yong 'ngalan
Sinambit sa kaliwa
Nakamit ko na ang lahat.

Hinintay kita
Hindi dumating
Pero laging sumasagi
Ang ngalan mo't mukha
At lumalapnos sa isipan.

Sadyang kay lalim
Nitong nararamdaman ko
Para sayo na kahit
Sa limang letrang salitang narinig
Napangiti ako.

Tuesday, April 5, 2011

Kung mawala ang inspirasyon

Kung mawala ang inspirasyon May maisusulat pa ba Ang isang manunulat na gaya ko Kung mawala ang inspirasyon. Natural wala. Kaya ngayon May naisusulat ako Kasi nariyan pa Ang inspirasyon ko. Habang buhay akong magsusulat dahil Habang buhay niya akong minamahal. Hinding hindi mawawala ang inspirasyon. Hinding hindi magwawakas ang aking mga tula. Dahil buhay ko ang mawawala Hindi lamang ang aking mga tula, Kung mawala ang inspirasyon.

Monday, February 28, 2011

Masayang bagay

Masasayang bagay na
Akala mo wala lang
Pero nakakapagbigay sa'yo
Kung hindi ng saya,
Kahit isang ngiti.

'Yun eh 'yung mga segundo na
Pilit kong pinapatay
Tumatakbo habang ang iba'y naglalakad
Makarating lamang
Sa tabi mo
Agad-agad.

'Yun eh 'yung mga minuto
Na akala mo galit ako
Pero naghihintay lamang
Ng yakap mo na kung ipagdamot
Babawiin nalang at pwede bang
Joke lang 'yung galit ko?

'Yun eh 'yung mga oras
Na malayo ka sa akin
Pero alam kong kahit gaano katagal
Ka umorder sa fastfood
Sa tapat ng upuan ko
Ikaw uupo
At mananatili.

'Yun eh yung mga araw
Na kahit milya-milya ang layo natin
Sa isa't isa
Text ka ng text na sana
Kasama mo ako diyan eh di sana
Mas masaya ka.

'Yun eh yung mga buwan
Na kahit ilang beses tayo kumain sa labas
Manuod ng sine, mag-away
Hindi tayo nagsasawa
Sa mukha o damit ng isa't isa
At kinikilig pa rin sa bawat halik.

'Yun eh yung isang taon
Na walang mintis
Wala ni isang saglit
Na tumigil akong
Magmahal sayo
At kahit kailan
Hindi naramdaman
Na ako'y hindi mo na mahal.

Alam mo yun
Sabi ko nga sa'yo
Sa dinami-dami ng tao sa mundo
Bakit gusto mong kasama ako?

Ang tali-talino mo,
Pero bakit ako ang pinili mo?

Ang laki-laki mong tao,
Pero bakit pag sa akin
Ang amo-amo mo?

Ang ganda-ganda ko,
Pero ikaw lang nagsasabing panget ako
At alam kong joke lang yun.

Hehe.

Mahal mo nga talaga ako.

Pag-ibig nga talaga 'tong meron tayo.

At obvious ba,

Mahal na mahal kita. Sobra lang.

Ikaw ang pinakamasayang bagay na dumating sa buhay ko.
Pudpod na yan, pero totoo.
Yiee ang sweet ko.

Nga pala,
Nung gumraduate ka,
'Yun ang pinakamasayang
Araw sa buhay ko.
Kasi andun ako
Pinapanuod kita
At alam ko kung gaano ka kasaya. :)

Bilib ako sa'yo, mahal! I love you!

Wednesday, February 9, 2011

Patawad

Gaano kahirap ang
Magpatawad ng
Isang taong paulit-ulit
Na nananakit?

Nakakasawa, nakakapagod
Napakahirap umintindi
Minsan gusto mo nalang iwan
At humanap ng ibang makakaintindi.

Kung makakasama mo ang taong ito
Ng habangbuhay
May isa akong tanong
Makarating kaya kayo doon?

Gusto nating magbago ang isang tao
Na hindi kailanman natututo
Ngunit sapat ba ang mahal ka niya
Para magbago ka para sa kanya?

Hindi ba't mas masarap
Kung para sa sarili mo ikaw magbabago
Walang pressure, walang pwersahan
Ikaw lang, sarili mo lang, magbabago ka rin.

Sa mga pagkakataong naging
Makasarili ang taong iyon
Inisip lang ang sarili at nanakit,
Nasasaktan rin kaya siya?

Oo, hindi dahil tao lang rin siya
Hindi dahil mahal ka niya
Kung hindi dahil kahit kailan sa buhay niya
Hindi niya inibig na masaktan ka.

Patawarin mo ako
Kung sa tulang ito
Ako 'yung hindi natututo
At ikaw 'yung nasaktan ko.

Wala akong maipapangako
Na ako'y magbabago
Ang masasabi ko lang ay sawa na rin ako
Na makita kang nasasaktan ko.

Minamahal kita.

Muli, patawad.

Monday, January 31, 2011

Nakakalunod ang Tagalog

"Lahat naman halos ng gawa mo binabasa ko eh.
Kahit yung mga tula mong nakakalunod ang tagalog."

Nang malaman kong
Nababasa mo pala ito
Laking tuwa ko't
Naisulat ko ito.

Hindi ko man madalas sabihin
Hindi ko man madalas gawin
Sa tula ko madalas naidadaan
Ang lahat ng nararamdaman ko.

Kaya nang malaman kong
Nababasa mo pala ito
Napakasaya ko.

Pero sa totoo lang,
Hindi mo man sabihin
Hindi ko man sulatin
Alam kong alam mo
Kung gaano kita kamahal.

At ang katotohanan na
Nagsimula akong magsulat muli
Nang ibigin kita.

Ikaw lang ang dahilan ng lahat ng ito.
Lahat ng aking tula'y para lamang sa'yo.
Mahal na mahal kita.

Friday, January 28, 2011

Lumang Pag-ibig

Lumang pag-ibig
Masindihan lang ng kaunti
Ang laki ng liyab
Ang tagal mamatay.

Mabuti pang 'wag nalang makita
'Wag nalang makausap
'Yun ang akala ko noon
Ngunit mali pala ako.

Mas mabuti pang nakikita
Mas mabuti pang nakakasama
Para lalong magsawa at hindi
Magkasala sa pagpapantasya.

Kamusta na ba siya? Ano na bang
Itsura niya? Iniisip niya kaya ako?
Masaya kaya siya?
Masaya ba ako?

Nang makita ko siya isang gabi
Wala akong naradaman kundi
Sana konting bilis ng oras
Para maabutan, para makita niya

Na masaya na ako
Na masayang masaya ako
Na mas masaya ako
Kahit wala na siya sa buhay ko.

Lumang pag-ibig
Nakakatuwang balikan
Ngunit hanggang ala-ala
Lamang.

Naluluma nga ba ang pag-ibig?
O nawawala?

*dahil nakita ng awtor ang kanyang dating kasintahan isang gabi nang hindi sinasadya

Thursday, January 13, 2011

Walang title

Kung kinakailangang
Pigain mula
Sa utak ko
Ang laman
Ng tulang ito

Ikaw at ikaw lang
Ang laman ng bawat
Linya
Ng bawat
Pag-hinga

Bilang palaging laman ng
Isip ko
At may pinakamalaking
Puwang sa
Puso ko
Lahat ng tulang
Ginagawa ko
Ay tungkol
At para
Lamang
Sa'yo.

Ganun kita kamahal.

Monday, January 10, 2011

Yakap

Tatlong araw ang lumipas
Walang kibo, walang imik
Sumasagi sa isipan, napag-uusapan
Ngunit kailangang magtiis, kailangang matuto.

Hinahanap ka nila, kung bakit ika'y
Wala sa aking tabi, kanilang nakasanayan
Aking nakasanayan, iyong nakasanayan,
Pero bakit nga wala, pero bakit balisa?

Nang tayo'y tumalikod, sinubukang kalimutan
Parang pinatay ko rin ang sarili ko.

Bawat lugar na daanan,
Bawat pagkaing isusubo,
Bawat salitang maririnig,
Bawat hanging darampi,

Ikaw ang nasa isip ko.
Lahat tungkol sayo.
Lahat ng ako'y ikaw.

Hindi talaga kita kayang tiisin, kahit pa sabihing
"Hayaan mo siya, babalik rin yan."
Sa tagal ng panahong labi'y di nagdampi,
Sinabi sa sarili'y, "mahal kita'ng talaga."

Noon lang ako nangulila ng ganoon,
Hindi na hahayaang maulit pa.
Kaya ng ako ay pinaunlakan mo ng pagkakataon,
Hindi ko 'yun sasayangin, hinding-hindi na.

Dumating nga ang araw na iyon,
Ika'y nakita kong nakatalikod
Anung kaligayahan ang bumalot sa akin,
Nang magkita ang ating mga mata, ako ay nabuhay muli.

Braso mo'y tila bukas sa aking katawang matagal nang
Di naaakap, nayayapos
Kaya nang ako'y lumapit, di nagdalawang isip
Yakapin ka, halikan ka, mahalin ka.

Mahal na mahal kita.

Doon at noon rin,
Sa iyong mga bisig,
Pinatawad mo ako
At aking naramdaman,
Mahal na mahal mo talaga ako...

Sa yakap na iyon.

Thursday, January 6, 2011

Ginaw

"Mag-isip ka naman."
'Yan ang sabi mo sa akin.
Unti-unti akong pinapatay ng
Katahimikan,
Ng lamig.

Patawarin mo na ako.
Giniginaw na ako
Sa lamig ng iyong turing
Sa akin.

Nag-iisip ako, ngunit
Wala akong ibang maisip
Kundi ako
At ikaw
Noon.

Thursday, December 30, 2010

Tilaok ng Manok

Sa tilaok ng mga manok ako'y sanay na,
Init ng iyong yapos hindi makapaniwalang
Nariyan ka, narito sa tabi ko
Sa isang kamang para sa isa lamang noon.

Ako'y bumangon, ika'y nagising,
Ganito palang pakiramdam kapag kapiling
Mo ang mahal mo sa iyong pagtulog
Parang ang daling ngumiti, parang ang hirap umalis.

Alam mo bang kay sarap mong titigan
Tuwing tulog ka'y nais ka lang halikan
Hindi dahil magulo, o maayos ang higa
Kundi di makapaniwalang nariyan ka.

Dali-dali kang bumaba, ako'y natulala
Halos mapaluha ng kita'y makita
Sa kusina, naghihiwa ng sibuyas, patatas, at bawang,
Anong ligaya to, ako'y pagluluto mo ng agahan.

Habang kumakain, ika'y nagmamadali
'Pagkat ika'y maliligo pa't ako'y ihahatid
Sa opisina upang ako'y makasama pa
Kahit sandali pa, kahit kaunting oras pa.

Wala na akong mahihiling pa,
Ganito pala ang buhay may asawa*
Sana'y sa bawat umagang darating sa atin
Ikaw lang at ikaw ang aking kapiling.

Pumuti man ang ating buhok, o di kaya'y makalimutan
Ang pustiso isuot, narito lamang ako, sana'y
Nariyan ka lang rin para sa akin
Sa bawat umagang titilaok ang mga manok.

*Disclaimer: Ang awtor ay wala pang asawa. Ito ay kathang-isip lamang. Ang inspirasyon ng tulang ito ay mula sa tula ni Mark See na Buhay Live-in

Monday, December 20, 2010

KDA

Tumingin ka man sa mata ko,
Halikan man kita,
Yakapin, hawakan,
Hindi ko kayang sabihin,
Hindi mo kayang damhin,

Kahit ngayon, bukas,
O sa isang taon,
Hindi ko masasabi,
Hindi mo malalaman.
Hindi mo alam kung gaano kita kamahal.

Tuesday, December 14, 2010

Ang Pinakamagandang Lugar Sa Mundo

Mayroon akong sikretong
Mahirap itago dahil sa
Ganda at ligayang aking
Natamo sa lugar na ito.

Ngunit hindi pepwedeng
Ibulatlat ang lihim
Kung nais manatiling
Payapa ang damdamin.

Kakaibang saya, tila unang
Beses kong lumigaya nang
Ganoon; nang makita, nang
Makapiling, tila langit kasama ka.

Kay lamig ng hangin ngunit
Kamay mo ang nagbigay init
Ngiti mo ang nagbigay lakas
Upang lumakad, ipagpatuloy.

Hindi tatalikod, hindi magsisisi
Ika'y nakasama ngunit maikli
Sana'y maulit ang sikretong ito
At nawa'y di kailanganing itago.

Ang pinakamagandang lugar sa mundo,
Ay natagpuan ko na
Diyan sa tabi mo, diyan ang pinakamagandang
Lugar sa aking mundo.