Showing posts with label pinoy. Show all posts
Showing posts with label pinoy. Show all posts

Saturday, May 26, 2012

Panaginip


Ikaw ang nagsisilbing
Kumot sa aking lamig
Braso mong nakahalukipkip
Sa aking dibdib
Mahigpit
Tila nagsasabing
Ako'y iyong iniibig
Ng higit sa init ng gabi
Dumadaing
Sa pagsinta
Gaya nang dilim
Humihikbi
Walang mabanaag
Hinahanap
Ang iyong ngiti
Hiningang umiimpis
Sa tikom mong labi

Walang nakaaalam
Ng sarap at halimuyak
Nito kundi ako
At ang malambot na unan
Ang maruming kumot
At ang gabi
Nag-iingay
Sa katahimikan
Ang tunog
Ng iyong hilik
Dahan-dahang
Nilulunod ako Sa panaginip
At sa dalanging
Sana'y magising
Nang ikaw pa rin
Ang aking kapiling.

Sa ngayon ay iidlip
Nang may pangarap
Na isang gabi muli
Sabay tayong
Mananaginip
At magigising
Sa bagong umaga
Para sa atin.

Tuloy-tuloy ang daloy
Ng mga mithiin
Ng mga panahon
Na hihimlay
Babangon
At susugod sa yurak
Ng buhay
Walang hangganan
Ang pagsinta
Hangga't nariyan ka
Narito lamang ako.

Ngayong gabi
Tanging hiling
Isang daing
Sa pagpikit
Ng mga mata
At pagpatay
Sa liwanag
Ikaw ay makita ko
Muli.

Kay sarap managinip
Sa iyong piling

Panaginip.

Sunday, June 12, 2011

Bahala na si Bathala

bahala na yan.

Bahala na si Bathala

Si mahabaging bathala

At ang kanyang mga alagad

Ang mga dyosa na Kagubatan.

Ang kagubatang makasalanan

Ginawang Makasalanan ng mga Mortal na tao

Mga mortal na nagagawang immortal ng pag-ibig

Pag ibig, Pagmamahal. kapag hindi ka umibig at nagmahal. para kang Orasan na paralisado, walang baterya

Di bale nang umibig at masaktan kaysa hindi man lamang makaramdam nang pag-ibig ni minsan

Walang Sasarap sa pagmamahal. Ang pakiramdan ng Isang taong Nagmamahal ay Isang Immortal, Buhay na Sining. Buhay na Pag-asa, nagbibigay katuturan para mabuhay, lumaban sa araw - araw na Digma ng Buhay

Ngunit ang pag-ibig na hindi masuklian ng pag-ibig ay tila parang pagkapit sa pisi ng lobo habang ang hangin ay umiihip ng malakas... Pero kumapit ka lang ng kumapit...

Ang Importante Umiibig ka ng Walang Hinihintay na kapalit. o Pag-ibig na hindi Napipilitan.
yan ang totoo

Ang pinakamahalaga ay hindi mo ikinubli ang pag-ibig na iyong nadarama...bagamat ito'y iyong itinanghal, ipinakita... Yan ang pag-ibig... Bulgar, hubad, ngunit buo. Totoo.

kaya nga hindi ko Ikinubli ang pag-ibig na naramdaman ko, bagamat alam ko ang kahahantungan ng Pinantasya ko, itinuloy ko parin. kasi hindi naman niya sinabing tumigil ako, wag daw akong magbago.

Itinanghal ko parin ang Obrang Likha ng Pag-ibig ko.

At kung ano ang nais nang iyong iniirog ang siya mong gawin, siya mong sundin, pagkat iyon ang ibinubulong ng puso mong umaasa sa kahit katiting na pagtingin... Wag kang tumigil magmahal... Dahil iyan lamang higit sa lahat ng bagay sa mundo, ang magpapaligaya sayo at sa lahat ng araw at sa lahat ng gabi sa buhay mo.

Kung Isang Araw Ipagtabuhayn ako ng sinisinta ko. tatanggapin ko. kung masaya siya sa Pasya nya

Simula bukas. susubukan kong dumistansya muna, para bigyan siya ng kalayaang mag isip. para sa sarili nya, lubha akong nababahala para sa kanya.

Iyong pakatandaan, aking katoto, lahat ng bagay ay may takdang oras. Maging ang pagibig na hindi bagay, hindi nahahawakan, hindi nakikita, ay nakatakda na. Bahala na si Bathala, si mahabaging Bathala kung ano ang kanyang pasya, siya nawa.

-wakas-

*isang tula mula sa pinaghalong mga salita at damdamin ni Denison Manuel at ng inyong lingkod ukol sa pag-ibig na tila kasalanan ngunit kailangang pangatawanan.

Monday, January 3, 2011

Bago

Bagong kalendaryo, bagong laptop,
Bagong pedicure, bagong bag.
Bago ang lahat sayo, bago pati oras ng pagpasok.
Parang, dati lang.

Bagong taon, bagong buhay
Ika nga nila.
Ano na naman bang ipapangako
Mong tutuparin, magsisinungaling?

Hindi madaling magbago,
Wag ka na nga lang raw magbago
Sabi nga ng bespren ko,
Manatili kang gago, kung 'yan ang gusto mo.

"Hindi na ako male-late, di na magyoyosi,
Di na ko magmumura, di na ko kakain,
Di na ko gagastos, di na ko hihinga
Di na ko magsisinungaling, di na. Di na."

Sabi mo pinakamasayang taon ang 2010,
Eh, bakit ang dami mong ayaw nang gawin?
Kung nakasanayang mong magyosi, magmura,
Bakit ngayong taon, hindi na, kung noon pala'y sumaya ka?

'Wag ka nang magbago kung wala namang dahilan
Dahil hindi mo kaya, hindi mo talaga
Kayang magbago kung hindi ka masaya
Lalo na't kung napipilitan ka lang, para katulad ka nila.

Pano nga ba magbago? Hindi ba't kapag ang
Isang taong umiibig, gagawin ang lahat, hahamakin
Ang lahat, masunod lamang siya? Dati nama'y
Hindi sya ganun; pero nagbago siya.

Ika nga ng pari sa amin, sa sermon nya kagabi,
Umibig ka, ibigin mo Siya, tiyak magbabago ka.
Magiging masaya ka, tanggapin mo ang pag-ibig
Niya; pero ang pag-ibig ay aktibo, buhay, gumagalaw.

Hindi maaaring mahal ka Niya, at hindi mo Siya mamahalin.
Dahil kung ganun, walang pag-ibig, walang pagbabago.

Friday, December 17, 2010

MRT

Halik ang tanging almusal,
Humihikab ng nakangiti.
Napatingin sa relo ng katabi,
Napalunok, nagising.

Kunot ang noo
Sa nakitang eksena
Mukang pamilyar,
Wala na 'bang katapusan?

Sa simula'y tahimik,
Pagdaka'y nagsusumiksik,
Ngiting kay hirap ipilit,
Pag labas ay gula-gulanit.

Sa Norte, Cubao, Ayala, Edsa,
Bawat araw kailangang tahakin
Bawat umaga'y isang pasakit
Bawat minuto'y walang kapalit.

Naipit na si Manong,
Malaking t'yan ni Ate'y tila harang,
Si Kuyang di makakita, makarinig
Siyang mapalad, siyang payapa.

Nasaktan, di ininda,
Nasaktan muli, pumiyok,
Patuloy na nasasaktan, tinitiis,
Bibig ng isa'y walang mintis.

Umagang kay ganda, almusal mo'y mura
Sikip ng dibdib, hindi makahinga,
Bag mong iniingata'y 'wag nang umasang
Makalalabas pa ng walang mantsa.

Araw-araw, gabi-gabi,
Bakit ganito ang buhay ko?
'Pagkat maikli, laging may hinahabol
Oras, 'di mahihinto, 'di maibabalik.

Pilang hindi nawawala,
Taong hindi nauubos,
Tren na paisa-isa
Oras mo'y tapos.