Showing posts with label tulang tagalog. Show all posts
Showing posts with label tulang tagalog. Show all posts

Tuesday, May 20, 2014

Usapang Ex

Nakaka-"move on" ka ba talaga sa isang taong dati mong minahal?

Paano mo masasabi na hindi mo na siya mahal?
Dahil ba hindi mo na siya naaalala sa bawat paggising mo sa umaga?
Dahil ba hindi mo na hinihintay ang mga text niya tuwing kakain ka na?
Dahil ba hindi mo na siya nakikita sa mga panaginip mo?
Dahil ba hindi mo na nararamdaman ang kilig, di tulad noon?

Paano mo masasabi na wala na ang dating pagsinta?
Dahil ba may iba ka nang mahal ngayon?
Dahil ba may iba na siyang mahal ngayon?
Dahil ba hindi na kayo nag-uusap, o nagsasabihan ng "Mahal kita."
Dahil ba hindi mo na nararamdaman na kailangan mo siya, di tulad noon?

Paano mo masasabi na matagumpay ka sa paglimot sa kanya?
Dahil ba hindi mo na siya naiisip o inaalala kung nakauwi na ba siya?
Dahil ba wala ka nang pakialam kung sinong kasama niya?
Dahil ba binura mo na ang cellphone number niya?
Dahil ba may iba ka nang mahal ngayon?

Para sa akin, walang sinuman ang nakaka-move on ng legit.
Kahit papaano, may onting kurot tuwing naaalala mo ang nakaraan
Kahit papaano, may kaunting kilig pag naaalala mo ang mga pinagsamahan
Kahit papaano, may kakarampot pang pagsisisi o pag-asa 
Kahit papaano, may natitira pang pag-ibig para sa kanya sa puso mo.

Para sa akin, hindi mo siya kailanman makakalimutan
Maliban nalang kung magka-amnesia ka.
Dahil hindi mo gugustuhing makalimutan ang isang pagkakataon sa buhay mo
Na nagmahal ka lang ng lubos; na nagmahalan lang kayo.
Kahit ano pa mang naging dahilan ng paghihiwalay ninyo, kahit papaano, naging isa kayo.

Para sa akin, ang pag-mo-move on ay hindi madaling gawin
Kailangan mong mahanap sa puso mo na napatawad niyo na ang isa't isa
Kailangan mong matanggap na masaya na kayo, pero di niyo na kailangang maging kayo.

Para sa akin, ang pag-mo-move on ay hindi madali, pero hindi rin mahirap gawin
Kailangan niyo lang respetuhin na sa buhay na ito, 
Nagampanan mo na ang parte mo.

Wag mo na siyang gambalain, wag mo na siyang kaibiganin
Wag mo na siyang kausapin, wag mo na siyang kamustahin
Imbis na buklatin mong muli ang inyong nakaraan
Ilaan mo nalang ang oras mo sa iyong kasalukuyan.

Tandaan: Sa lahat ng iyong gagawin, pipili ka lamang ng isa sa dalawa. Nawa'y piliin mo ang karapat-dapat palagi.

Friday, May 16, 2014

Pitaka

Wala nang mas sasakit pa
Sa pakiramdam na iwanan ka
Habang hindi ako nakatingin
Hindi ko namalayang wala ka na sa akin.

Kagabi lamang tayo'y magkasama pa
Ngunit pagkagising ko kaninang umaga
Hindi ko inakalang yun na pala ang huling gabi
Na ikaw ay nasa aking tabi.

Noong una'y hindi pa ako tinatablan
Ng lungkot dahil ako'y tinalikdan
Umasa pa ako na ika'y madaratnan muli
Sa bahay- hinihintay ang aking paguwi.

Ngunit tila ako'y masyadong nag-akala
At umasang hindi ka mawawala
Dahil akin ka lamang, at ako'y sa iyo
Ngayo'y tanong sa sarili, "bakit mo ako iniwang ganito?"

Pinipilit kong alalahanin kung saan ako nagkulang
O kung kailan kita nabigyan ng dahilan
Upang lisanin ako at hindi na balikan pa
Dahil hindi matanggal sa akin ang pagkabalisa.

Oo, inaamin ko, marahil nagkulang ako
Pero sana bigyan mo ko ng pagkakataong magbago
Bumalik ka na sa akin, o wallet ko
Araw-araw akong maghihintay sayo.

At sa iyong pagbalik, iisa lang ang pangako ko
Hinding-hindi na ako papayag na tayo'y magkalayo.

Patawarin mo ako kung ako'y naging abala
Sa mga bagay sa mundo na wala namang halaga
Hindi ko tuloy namalayan ang iyong pag-alpas
Ngayon hindi ko na alam kung paano haharapin ang bukas.

Bumalik ka na,
Aking pitaka.
Parang awa mo na.

Hindi pa ako
Handang magpaalam sayo.




Friday, November 1, 2013

Ang Buwang Nagdaan

Oktubre
Kay bilis mong dumating
Kay bilis mo ring nawala.

Hindi kita malilimutan.

Kung paanong sa maikling panahon
Binago mo ang buhay ko.

Salamat sa mga pagbabago.
Salamat sa iyo.

Hanggang sa muli.

Oktubre,
Mamimiss kita.

Ngunit sa ngayon
Kailangan kong harapin
At tanggapin
Na isa ka na lamang--
Isa ka na lamang
Buwan na dumaan.

Monday, July 8, 2013

Isang Minutong Tula

Sa mga panahong wala kang maisulat
Hindi dahil walang inspirasyon
Hindi dahil walang oras
Ngunit dahil kailanman
Hindi sasapat ang mga salita
Upang maipabatid ang nais sabihin
Hindi masabi sa isang pangungusap
O kahit isang talata
Kung ano ang tunay na nadarama
Kaya dinadaan nalang sa tula
Upang kahit papaano
Walang balakid, walang mali
Hindi kailangang lagyan ng kuwit
Ng tuldok
Ng kaakit-akit na panimula
O ng pamatay na pamagat
Dahil ang tula
Walang limitasyon
Walang hangganan
Tulad ng pagibig
Hindi kailangang lagyan
Ng katapusan

Wednesday, June 19, 2013

Ulan

Madilim
Malamig
Nag-iisa
Kay sarap
Yakapin
At haplusin
Ang ilalim ng
Unan.

Makulimlim
Malalim
Na ang gabi
Kay sarap
Humiga
At masdan
Ang bawat patak ng
Ulan.

Kahit anung lakas mo
Sa lupa pa rin ang iyong bagsak.
Kahit anung tatag mo
Mauubos rin ang iyong lakas.
Kahit ano pang idulot mo
Huhupa rin ang baha.

Lilitaw din ang buwan,
Sisilip muli ang mga tala, at
Bukas lalabas rin ang araw.

Wednesday, January 16, 2013

Luha

Nais ko mang maibsan kahit kaunti ang iyong paghihirap
Ang dahilan sa likod ng iyong pagod at luha
Mas nanaisin ko na lamang magpakatatag
At maghanda para sa mas mapait na hinaharap.

Patawarin mo ako kung ako'y tila nagdaramot,
Ngunit ang totoo'y pinipigilan ko lang ang sarili kong
Magbigay ng labis sa aking makakaya. Sapagkat
Alam kong darating ang araw na ako rin ang sa huli'y luluha.

Wala akong ginusto kundi ang maiahon tayo
Sa lusak na tila sumpang ayaw mawala
Ngunit kung kukunsintihin ko ang iyong mga layaw
Malamang sa lusak rin tayo pulutin balang-araw.

Sana'y maintindihan mo at madama mo
Na ang tanging hangad ko lamang ay malampasan natin ito.
Naniniwala ako na darating rin ang araw
Na hindi na kailangang maghirap, hindi na kailangang lumuha.

Napakasakit sa akin ang makita kang umiiyak,
Kaya pumipikit nalang ako't
Ginagawa ang lahat.

Thursday, September 20, 2012

Hirap

Bawat araw ay isang biyaya,
Bawat gabi ay isang pagsubok.

Bago ako makasakay ng tren,
Isang buntis na walang alalay
Biglang nawalan ng malay.
Wala akong magawa para tumulong,
Wala ring nagawa ang asawa niyang
Hinayaan siyang umalis ng walang kasama.
Ang ibang pasahero'y dali-dali siyang tinulungan
Nang siya'y magkamalay, saka dumating ang tulong.

Pagsakay ng dyip, medyo nakahinga
Ngunit kinabahan sa isang lalaking umamba
Sumabit sa dyip at biglang nagwika;
"Hindi ho ako masamang tao, hihingi lang ho ng tulong
Para sa anak ko."
Nagngilid ang aking luha sa kanyang talumpati
Hindi ko na kailangang marinig pa ang iba
Naramdaman ko ang hirap niya.

Pagdating sa bahay, nais kong magpahinga
Isang makulay na araw na naman, isang librong naisara
Ngunit bago tuluyang mapapikit sa pagbababasa
Isang malupit na mensahe ang sa aki'y ipinadala
Umiyak ako, hindi ko kinayang malaman na
Ang isang taong mahal ko ng buong buhay ko
Ganun na lamang ako itatwa.
Nanaig man ang galit sa aking puso, inisip ko nalang

Bawat araw ay isang biyaya,

Bawat gabi ay isang pagsubok.

Tuesday, July 10, 2012

Dyip

"Napakain ko na ba ang mga aso?"
"Papasok kaya ang diablo?"
"Sino na naman kaya ang babae nito?"
"Kelan ba ang huling araw ko?"
"Tollgate na pala tayo."

Sa isang kahong may apat na gulong,
Lahat nagmimistulang pipi, iba'y bumubulong
Lulan nito'y estudyante, manedyer, ina, tindera ng bagoong
Tumatakbo ang mga isipan kasabay ng ikot ng gulong.

Dyip kung tawagin ang kahong ito
Umaandar, mabilis, maingay, ang usok ay abo
Laman nito'y iba't ibang uri ng tao
Na may iba't ibang iniisip, iba't ibang kuro-kuro.

Walang maaninag na pagbabago sa mukha
Malayo ang tingin, utak ay malaya
Mistulang piping nagmamasid, natatakot, nagtataka
Ngunit dyipni'y nananatiling payapa.

Iba'y umiidlip, ayaw na lamang mag-isip
Ulo'y nakasandal sa katabi, ang iba'y nakahalukipkip
Ang isa'y binabasa ang lahat ng makita para di mainip
Ang iba'y nangangarap, habang ang iba'y nananaginip sa dyip.

Ayan na, kung kailan ang ulo'y malapit na mahulog
Dyip ay bumabagal, ang isa'y nauntog
Ang iba'y pumupuslit pa ng kaunting tulog
Habang ang iba'y patuloy ang tugtog.

Sigaw ng drayber, "LRT, MRT, Pasay Rotonda na,"
Mula sa pagmumunimuni'y nagising na
Mula sa pagkakaidlip, naalimpungatan na
"Dito na pala," sa tunay na mundo'y pinakawalan na.

Yosi

Mga paa ni Predo'y kumakaripas, yabag ay malakas
Patungo sa mamang nakaupo't tila nag-uubos ng oras
Dudukot ng barya sa pantalong kupas
Tumakatak ang kahoy, lumitaw ang pagmumulan ng lakas
Yosi, eto na sa wakas.

Sariling dakma kusang kinuha sa ulo
Inilabas ng mama ang nakataling posporo
Sa kahong gawa sa kahoy na pinagtagpi para mailako
Sa uhaw at nangangatog na bunganga'y isinubo
Sinindihan ang puwitan, unti-unti, kaba'y naglaho.

Hithit-buga, hithit-buga, diyan kami kumikita
Mga taong problemado, mga busog, gabi man o umaga
Barya-barya ngayon, isang daan na mamaya
Pampakalma, pampagising, bukas sunog na ang baga
Hithit-buga, hithit-buga, maya't maya may nawawala.

May paparating, handa na ang takatak
Kamay'y nakaamba, sumisikip na ang hawak
"Lights, dalawa," iisa lang ang tiyak
Bulong ng mama sa hangin, "sasamahan yan ng kendi para swak."
Bulalas ng binata'y "Tsaka dalawang Maxx para lima,"
Mama'y muntik mapahalakhak.

Saturday, May 26, 2012

Antok


Matapos nguyain
Lunukin ng mabilis
Ang bawat butil ng
Pagkaing hinain
Hayan na at paparating
Ang isang
Matinding
Antok
Na
Tila
Bumabalot
Gusto akong
Lunurin.

At
Magpasailalim
Sa kanyang lakas
At kapangyarihan
Na ako'y dalhin
Sa lugar na aking
Hinihiling.

Walang magawa kundi
Tapusin ang tula
At isuko ang sarili
Ipipikit ang mata
Sasandal ng saglit
At mawawala muna.

Heto na.

Makikita na naman kita.

Panaginip


Ikaw ang nagsisilbing
Kumot sa aking lamig
Braso mong nakahalukipkip
Sa aking dibdib
Mahigpit
Tila nagsasabing
Ako'y iyong iniibig
Ng higit sa init ng gabi
Dumadaing
Sa pagsinta
Gaya nang dilim
Humihikbi
Walang mabanaag
Hinahanap
Ang iyong ngiti
Hiningang umiimpis
Sa tikom mong labi

Walang nakaaalam
Ng sarap at halimuyak
Nito kundi ako
At ang malambot na unan
Ang maruming kumot
At ang gabi
Nag-iingay
Sa katahimikan
Ang tunog
Ng iyong hilik
Dahan-dahang
Nilulunod ako Sa panaginip
At sa dalanging
Sana'y magising
Nang ikaw pa rin
Ang aking kapiling.

Sa ngayon ay iidlip
Nang may pangarap
Na isang gabi muli
Sabay tayong
Mananaginip
At magigising
Sa bagong umaga
Para sa atin.

Tuloy-tuloy ang daloy
Ng mga mithiin
Ng mga panahon
Na hihimlay
Babangon
At susugod sa yurak
Ng buhay
Walang hangganan
Ang pagsinta
Hangga't nariyan ka
Narito lamang ako.

Ngayong gabi
Tanging hiling
Isang daing
Sa pagpikit
Ng mga mata
At pagpatay
Sa liwanag
Ikaw ay makita ko
Muli.

Kay sarap managinip
Sa iyong piling

Panaginip.

Ang Tula ng Kalapating Mababa ang Lipad


Nalalasahan ko pa ang tamis ng huli mong halik
Ang diin ng iyong paghagod sa aking buhok
Habang ako'y nalulunod sa sarap na dulot ng pag-ibig
Tila kahapon lang nang tayo'y nagniig
Ngayo'y humihikbi at balisa
Walang ninanais makamit kundi ang makita
At mahalikan muli ang iyong mata
Kung maaari ko lamang ibalik ang gabing iyon
Na isinuko ko ang buong ako sa iyo
Bawat daplis ng iyong halik at bawat paghinga
Umiiyak ang kalooban ko sa saya
Na sa walong bilyong tao sa mundo
Pinili mong ako ang makasama mo.

Sa paghaplos mo sa aking katawan
Dinadama ang bawat pag-init ng laman
Nakapikit, ako'y napangiti
Tila narating ko na nga ang langit.

At nang ako'y pumailalim at sumuko sa gabi
Nilalamig, lahat ng aking gayak ay nasa sahig
Naramdaman ko ang pag-alis mo sa aking tabi
Hindi mo nakita ang luha sa aking mga mata
Dahil alam kong isang bagay ang totoo
Hindi mo ako ginamit
Minahal mo ako.

Paano

Paano natatapos ang pagmamahal
Paano natitigil sa pagaalala
Paano nalalaman na higit mo siyang mahal
Paano nawawala ang pagpapahalaga.

Paano nahihinto ang pagibig
Paano naibibigay sa iba
Paano nakakalimutan ang isa
Paano natututunang piliin ang iba.

Paano nararamdaman ang katapusan
Paano nabubuo ang simula
Paano nililimot ang nakaraan
Paano gigising sa umaga.

Paano nasisimulan ang pagmamahal muli
Paano nakakasigurong mahal kita
Paano nasasabing hindi na kita mahal
Paano natatapos ang pagmamahal?

Wednesday, May 16, 2012

Walang hangganan

Yayapusin kita
Hanggang sa
Hindi mo na maalala
Kung sino ka.
Hahalikan kita
Hanggang sa
Dumugo na ang labi
Sa pagkagat at pagsanggi.
Mamahalin kita
Hanggang sa
Walang hangganan.
Yayapusin kita ngayon
Hahalikan din
Ngunit mamahalin kita
Araw-araw
Parati at palagi
Parehas man 'yun
Gagawin ko pa rin.
Mahal na mahal kita.
Kahit kailan, kahit saan,
Ikaw lang.
Yapusin mo ako
Halikan mo ako
Kahit 'wag mo na akong mahalin
Mamahalin pa rin kita.
Walang hangganan.

Wednesday, April 25, 2012

Tubig, Tiwala, at Tula

"Kaya mo 'yan, ikaw pa."
'Yan ang iyong patuloy na bigkas
Habang ako'y nagpupumiglas
Sa takot na dulot ng tubig
Na tila nakayapos sa akin.

Babad man sa init ng araw
Panay liwanag ang natatanaw
Tiwala ko'y nasa sa iyo
'Pagkat tinig mo pa lamang
O bisig na kakapitan, panatag na.

Takot ko sa tubig
At tiwala ko sa iyo
Parehas napatunayan
Ngunit hindi nabigo
Ako'y nagtiwala sa tubig dahil sa iyo.

"Ang galing mo."
'Yan ang bulalas mo
Hindi man narating ang banderitas na tanda
Mayroon naman tayong habang buhay
Para matuto, magtiwala, at magtula.

*matapos lumangoy ng awtor sa tulong ng kanyang minamahal

Wednesday, November 23, 2011

Ikalawang buhay

Nakakatuwa noong una kang makita
Nakasuot ng puting t-shirt, batang-bata
Mga mata'y malikot, ngunit may kaunting hiya
Alam mo bang ngiti't tawa mo'y nagpapasaya
Sa isang batang payat na nakasilip sa bintana.

Walang lakas ng loob magpakilala
Hanggang titig at tingin, titili na lamang bigla
Tuwing kami ay bibisita sa bahay ng aming lola
Hangad lagi'y sana'y makita ka
Bumubulong ng dasal, humihiling kay Bathala.

Kung hindi man masulyapan, leeg ay humahaba
Tuwing may mag-do-doorbell sana'y hindi bisita
Nagbabakasakaling ikaw ang makita
Nakatayo, nakaabang, may pinggang dala-dala
Dali-dali akong magsusuot ng tsinelas, kakaripas pababa.

Kapag kaharap ka na'y ang hirap nang huminga
Minsan natatapos ang usapan ng walang salita
Minsan nama'y may tanong na isa, o bigkas na walang kwenta
Pero sa bawat pagkakataon na nakikita ka
Nabibingi sa aking pagtili maging ang aking lola.

Dumating ang pagkakataong ikaw ay nakausap na
Hindi man sa personal, pero langit ay tila narating ko na
Habang nagta-type, dis-oras ng gabi'y nakatanga
Sa bawat salitang bumubulaga sa aking mukha.
Di baleng magkandapuyat-puyat, lumabo ang maliliit na mata.

Paano pa noong sinabi mong ako'y mahal mo na pala
Pwede na akong mamatay, p@&#!(!#(!!!
At sa araw-araw na tayo'y nagkakasama
Iisa lang ang nasa isip tuwina
Natatakot, nagdududa, baka ako'y nananaginip lang pala.

Kinukurot ang sarili, ngunit tunay ka ngang talaga
Dahil para sa aki'y isa kang pangarap na nagkatotoo na
Hindi ko makakalimutan yaong isang umaga
Na nasilayan kita ng unang-una noong tayo'y bata pa
Hindi ko pa man alam kung ano ang pag-ibig, minahal na kita.

Hanggang sa minutong tinatapos ko itong aking tula
Hindi pa rin ako makapaniwala
Na ang isang lalaking sa pangarap ko lang noon sinisinta
Ngayo'y sinasabihan ako ng, "mahal na mahal kita."
Magkasama na tayo hindi lang isang taon, kundi dalawa.

Maligayang ikalawang taong anibersaryo, sa atin Mahal ko!
Hangad ko'y makasama ka hanggang sa ikalawang buhay ko.

2011.11.23

Monday, November 7, 2011

Mana

Maraming salamat apo, sa tulang iyong sinambitla
Malayo man kami, iyo pa ring naalaala
Kayganda ng tula na iyong kinatha
Ang puso ko ay bumabata

Siya nga pala,
Ang inyong uripon ay nasa aming banwa
Nagluluto ng pansit sa aming kusina.

Nawa'y makapasyal ka dito sa aming puod
Nang makumusta ang apo kong napakaganda.
Ikumusta mo ako sa lahat ng aking mga apo at sa iyong mahal na ina.

-Nanay Yoly

*Ito ay tula na nagmula sa ina ng aming ama
Sa bawat linya, sa bawat salita
Alam na ng madla, kung kanino ako nagmana.
Salamat Nanay Yoly sa iyong tula. :)

Saturday, October 15, 2011

Para sa aming Lolo Fred Santiago, Sr.


Isa ka raw mahusay na litratista
Marahil sa iyo nagmana
Ang kahusayan sa sining ng aming ama at mga kapatid niya.

Isa ka raw mabuting asawa
Marahil sa iyo nakuha
Ang katangiang mapagmahal ng aming ama.

Nakakalulungkot lamang na
Hanggang kwento na lang
Ang iyong ugali, galing, at mukha.

Marahil maaga kang kinuha
Ng Panginoong sayo'y lumikha
Upang ang mga anak mo'y matutong tumayo sa sarili nilang paa.

Agad-agad ka mang nagpaalam sa madla
Hindi ka man lang nakilala o nakita
Ngunit tanging iniwan mo'y magagandang alaala.

Sa isang bagay ako ay sigurado
Ang aking ama na nanggaling sa iyo
Ay hindi magiging siya kung di dahil sayo

Isa ka raw mabuting ama.
Kanino pa ba magmamana
Ang iyong Junior, ang napakabait naming Papa.

Maligayang kaarawan sa aming Lolo
Sana po makarating sa inyo ito.
Mahal po kayo ng inyong mga apo.

Salamat po sa oras na itinagal niyo sa mundo
Makabuluhan, mahalaga, kapakipakinabang
Kayo ang puno ng angkan ng magagaling na Santiago.

Maligayang Kaarawan po, Lolo*! :)

---
Isang pag-alala sa ika-80 anibersaryo ng kapanganakan ni Alfredo Villaranda-Santiago, Sr. (Oct. 16, 1930-May 16, 1976)

Saturday, June 18, 2011

Pag-ibig

Bakit ganito ang pag-ibig?

Mapaglaro.

Taksil

Mapagsamantala

Masama

hindi makatarungan

Madaya

Dapat ang Ganito ang Tunay na Pag-ibig hindi nagtatampo, Hindi Naglalaro, Hindi Naninibugho.

Dapat hindi sakim, hindi madaya, hindi nakakasakit.

Dapat Maalab ang damdamin.

Dapat walang poot at pananamantala.

Dapat Sikaping makapiling siya, Kahit Hindi Hingin ng Panahon

Dapat manaig ang pag-ibig, hindi ang pagkukunwari

Dapat Makatwiran ang Pag-ibig, Hindi Nagaalinlangan.

Dapat mapagbigay, hindi nagdaramot

Dapat marunong Umunawa, Hindi nagdududa

Dapat marunong makinig, hindi makialam

Dapat Gawing Buhay, Hindi gawing Bagay

Dapat ituring na biyaya, hindi kasalanan

Dapat Ituring na Magtatagal ang Pagmamahal, Hindi Ituring na isang Kanta, Maikli.

Dapat may ritmo, tumutugma sa bawat kumpas, parang tula na may tugma

Dapat Huwag Magtanong Kung Hanggang Kelan at Hannggang Saan, Hanggat Buo ang daidig Walang titigil.

Dapat walang simula o katapusan, kundi sa gitna lamang kayo mananahan

Dapat walang tanonga Hangat may Pintig ang Puso at may saysay ang Kasaysayan, Hanggat naririto Tuloy lang

Bawat pintig, pag-asa

Bawat Karanasan may katuturan.

Bawat ngiti, may hiwaga

bawat paano siya ang Paraan

Bawat bakit siya ang dahilan

Bawat Ginaw siya ang Kumot

Bawat init siya ang lamig

Bawat Idlip, siya ang Antok

Bawat gabi siya ang araw

Bawat petsa siya ang kailan

At bawat paghinga, siya ang dahilan.

At Bawat Sugat, siya ang gamot

Ang pag-ibig ay may sariling tinik, masakit, ngunit siya ring hihilom sa sarili niya.

Ang Pag-ibig ay may Laya, Kahit hindi pa nakakamtam,

Ang pag-ibig kailanmay totoo, hindi nandaraya

Ang Pag-ibig Katulad ng Rosas Singtingkad ng dugo, Nagbibigay Buhay sa bawat Puso, tinik ay sagisag ng tapang at Hitik.

Ang pag-ibig ay walang hanggan, hindi natatapos sa isang paalam.

Ang Pag-ibig Hindi kukupas, hindi malalanta Kapag Inalay mo ito.

Ang pag-ibig ay mamamatay, kung iyong ikukubli't ilalagak sa kawalan

Ang Pag-ibig kahit sumibol sa Panahong marahas, kung bawat pagsubok naman ay iyong hinarap ikay isang mandirigma.

At kung iyong mapagtagumpayan ang pag-ibig sa gitna ng sigwa, ituring mo ang iyong sariling isang pinagpalang mandirigma.

Ang Pag-ibig dapat Nagbibigay Pag-asa sa bawat PUso.

Ang pag-ibig nagbibigay liwanag sa bawat isipan.

Ang Pag-ibig Iisa lang ang binubulong ng damdamin ikaw lang.

Ang pag-ibig iisa lang ang sinisigaw-- makasama ka.

Ang Pag-ibig dapat ikaw lang.

Ang pag-ibig hindi pwedeng ikaw o siya

Ang Pag-ibig Iisa ang langit at iisa ang pag ibig.

Dahil ang langit at ang pag-ibig ko ay iisa.

Ang Pag-ibig walang Alinlangan, Walang Pagsisisihan. at handang Ipaglaban

Ang Pag-ibig Iisa ang Pinaglalaanan, Ngayon at sa Kinabukasan.

Dahil hanggang sa huli, ang pag-ibig ay pag-ibig kailanpaman.

Ang Pag-ibig ay Pag-ibig Ito'y Mananaig.

Sunday, June 12, 2011

Bahala na si Bathala

bahala na yan.

Bahala na si Bathala

Si mahabaging bathala

At ang kanyang mga alagad

Ang mga dyosa na Kagubatan.

Ang kagubatang makasalanan

Ginawang Makasalanan ng mga Mortal na tao

Mga mortal na nagagawang immortal ng pag-ibig

Pag ibig, Pagmamahal. kapag hindi ka umibig at nagmahal. para kang Orasan na paralisado, walang baterya

Di bale nang umibig at masaktan kaysa hindi man lamang makaramdam nang pag-ibig ni minsan

Walang Sasarap sa pagmamahal. Ang pakiramdan ng Isang taong Nagmamahal ay Isang Immortal, Buhay na Sining. Buhay na Pag-asa, nagbibigay katuturan para mabuhay, lumaban sa araw - araw na Digma ng Buhay

Ngunit ang pag-ibig na hindi masuklian ng pag-ibig ay tila parang pagkapit sa pisi ng lobo habang ang hangin ay umiihip ng malakas... Pero kumapit ka lang ng kumapit...

Ang Importante Umiibig ka ng Walang Hinihintay na kapalit. o Pag-ibig na hindi Napipilitan.
yan ang totoo

Ang pinakamahalaga ay hindi mo ikinubli ang pag-ibig na iyong nadarama...bagamat ito'y iyong itinanghal, ipinakita... Yan ang pag-ibig... Bulgar, hubad, ngunit buo. Totoo.

kaya nga hindi ko Ikinubli ang pag-ibig na naramdaman ko, bagamat alam ko ang kahahantungan ng Pinantasya ko, itinuloy ko parin. kasi hindi naman niya sinabing tumigil ako, wag daw akong magbago.

Itinanghal ko parin ang Obrang Likha ng Pag-ibig ko.

At kung ano ang nais nang iyong iniirog ang siya mong gawin, siya mong sundin, pagkat iyon ang ibinubulong ng puso mong umaasa sa kahit katiting na pagtingin... Wag kang tumigil magmahal... Dahil iyan lamang higit sa lahat ng bagay sa mundo, ang magpapaligaya sayo at sa lahat ng araw at sa lahat ng gabi sa buhay mo.

Kung Isang Araw Ipagtabuhayn ako ng sinisinta ko. tatanggapin ko. kung masaya siya sa Pasya nya

Simula bukas. susubukan kong dumistansya muna, para bigyan siya ng kalayaang mag isip. para sa sarili nya, lubha akong nababahala para sa kanya.

Iyong pakatandaan, aking katoto, lahat ng bagay ay may takdang oras. Maging ang pagibig na hindi bagay, hindi nahahawakan, hindi nakikita, ay nakatakda na. Bahala na si Bathala, si mahabaging Bathala kung ano ang kanyang pasya, siya nawa.

-wakas-

*isang tula mula sa pinaghalong mga salita at damdamin ni Denison Manuel at ng inyong lingkod ukol sa pag-ibig na tila kasalanan ngunit kailangang pangatawanan.