Showing posts with label tagalog. Show all posts
Showing posts with label tagalog. Show all posts

Tuesday, May 20, 2014

Usapang Ex

Nakaka-"move on" ka ba talaga sa isang taong dati mong minahal?

Paano mo masasabi na hindi mo na siya mahal?
Dahil ba hindi mo na siya naaalala sa bawat paggising mo sa umaga?
Dahil ba hindi mo na hinihintay ang mga text niya tuwing kakain ka na?
Dahil ba hindi mo na siya nakikita sa mga panaginip mo?
Dahil ba hindi mo na nararamdaman ang kilig, di tulad noon?

Paano mo masasabi na wala na ang dating pagsinta?
Dahil ba may iba ka nang mahal ngayon?
Dahil ba may iba na siyang mahal ngayon?
Dahil ba hindi na kayo nag-uusap, o nagsasabihan ng "Mahal kita."
Dahil ba hindi mo na nararamdaman na kailangan mo siya, di tulad noon?

Paano mo masasabi na matagumpay ka sa paglimot sa kanya?
Dahil ba hindi mo na siya naiisip o inaalala kung nakauwi na ba siya?
Dahil ba wala ka nang pakialam kung sinong kasama niya?
Dahil ba binura mo na ang cellphone number niya?
Dahil ba may iba ka nang mahal ngayon?

Para sa akin, walang sinuman ang nakaka-move on ng legit.
Kahit papaano, may onting kurot tuwing naaalala mo ang nakaraan
Kahit papaano, may kaunting kilig pag naaalala mo ang mga pinagsamahan
Kahit papaano, may kakarampot pang pagsisisi o pag-asa 
Kahit papaano, may natitira pang pag-ibig para sa kanya sa puso mo.

Para sa akin, hindi mo siya kailanman makakalimutan
Maliban nalang kung magka-amnesia ka.
Dahil hindi mo gugustuhing makalimutan ang isang pagkakataon sa buhay mo
Na nagmahal ka lang ng lubos; na nagmahalan lang kayo.
Kahit ano pa mang naging dahilan ng paghihiwalay ninyo, kahit papaano, naging isa kayo.

Para sa akin, ang pag-mo-move on ay hindi madaling gawin
Kailangan mong mahanap sa puso mo na napatawad niyo na ang isa't isa
Kailangan mong matanggap na masaya na kayo, pero di niyo na kailangang maging kayo.

Para sa akin, ang pag-mo-move on ay hindi madali, pero hindi rin mahirap gawin
Kailangan niyo lang respetuhin na sa buhay na ito, 
Nagampanan mo na ang parte mo.

Wag mo na siyang gambalain, wag mo na siyang kaibiganin
Wag mo na siyang kausapin, wag mo na siyang kamustahin
Imbis na buklatin mong muli ang inyong nakaraan
Ilaan mo nalang ang oras mo sa iyong kasalukuyan.

Tandaan: Sa lahat ng iyong gagawin, pipili ka lamang ng isa sa dalawa. Nawa'y piliin mo ang karapat-dapat palagi.

Friday, November 1, 2013

Ang Buwang Nagdaan

Oktubre
Kay bilis mong dumating
Kay bilis mo ring nawala.

Hindi kita malilimutan.

Kung paanong sa maikling panahon
Binago mo ang buhay ko.

Salamat sa mga pagbabago.
Salamat sa iyo.

Hanggang sa muli.

Oktubre,
Mamimiss kita.

Ngunit sa ngayon
Kailangan kong harapin
At tanggapin
Na isa ka na lamang--
Isa ka na lamang
Buwan na dumaan.

Wednesday, May 15, 2013

Bakit Hindi Ako Bumoto

Isa ako sa ilang milyong Pilipinong hindi bumoto noong ika-13 ng Mayo.
Sabi nila, dahil hindi ako bumoto, wala akong karapatang magreklamo.
Bakit nga ba hindi ako bumoto? Pinili ko ba ito o tawag ng trabaho?
Nasa tulang ito ang mga kasagutan ko.

Isa akong manunulat ng balita sa telebisyon. Masasabi kong may alam ako
Sa galaw ng mga kandidato mapa-lokal o sa Senado.
Marami sa kanila ang nakita ko habang sila ay iniinterbyu
Ng aming mga anchors sa aming istudyo.

Siyempre, hindi ko nakita ang isang kandidato na umiiwas sa talakayang pampubliko.
Hindi dahil maitim o madilim siya; hindi ako nagbibiro gaya ng iniisip niyo.
Napansin ko ang isang kandidatong nalilink sa magandang aktres/modelo
Tunay ngang tila artista na siya kung umasta; natabunan na yata ng keso ang dating iniidolo ko.

Hindi ko naman malilimutan ang isang kandidatong walang partido
Lumikha siya ng ugong sa Twitter kung saan lumabas ang kanyang pagka-Homo
Phobic; matapos siyang makapanayam sa aming show,
Isa-isa niya kaming inabutan ng kanyang bookmark na tila nagsasabing, "Iboto mo ako."

Marami pa akong nakita, narinig, at napanood habang ako'y nagtatrabaho
Nakakasawa na magsulat tungkol ng mga patayan dahil may mga taong gahaman sa pwesto
Nakakauta na magbasa ng balita ng mga kandidatong naninira ng ibang tao
Tipong ilalabas pa ang kalunos-lunos na litrato ng isang babaeng nakalabas ang suso.

Kung nabubuwisit kayong mapanood ang mga balita pagkagaling niyo sa trabaho,
Paano pa kami? Eh kami ang unang nakakaalam ng mga baho ng kandidato.
Habang papalapit tuloy ang araw ng halalan sa taong ito,
Unti-unting pumapalaot sa akin, na hindi ako boboto.

Karuwagan o katamaran ba ang dahilan, ang husga ay nasa inyo
Hindi ako bumoto, hindi dahil may trabaho ako.
Hindi ako bumoto, kahit ako ay rehistrado,
Hindi ako bumoto, dahil kahit maliit ang mga mata ko, mulat ako.

Mulat ako na halos lahat ng kandidato ay namimili ng boto,
Mulat ako na maraming mga Pilipinong pumapatos dito.
Naisip ko, para saan pa ang aking isang boto,
Kung alam ko naman kung saan ito patutungo.

Kung bumoto man ako, pipiliin ko sana si CasiƱo,
Ihahalal ko rin si Gordon, ang Presidenteng noo'y ibinoto ko
Hindi ko ihahalal si Nancy Binay, hindi rin si Grace Poe.
Nawala na rin ang tiwala ko kay Chiz Escudero.

Marahil iboto ko rin ang mga hindi kilalang independent na kandidato
Dahil gusto kong tumulong sugpuin ang mga dinastiyang matagal nang itinayo,
Ngunit base sa istoryang kanina lamang ay isinulat ko,
Niluklok niyo pala ang mga kandidatong hindi ko gusto.

Niluklok niyo ang mga taong hindi nararapat maupo sa pwesto.
Ipinagpatuloy pa ninyo ang mga dinastiyang kinamumuhian na ng ilang mga Pilipino.
Kung bumoto man ako, mananalo ba ang mga manok ko?
Nasa listahan nga sila, pero bakit sila ay nasa bandang dulo?

Kayong mga nagpunta sa presinto para humalal, ano ang ipinagmamalaki niyo?
Na ginampanan niyo ang inyong tungkulin at karapatang bumoto?
Sa nakikita ko ngayon, lahat ng tao ay nagrereklamo,
Nagmamalinis, nagtuturuan, pero nilitratuhan naman at ipinagmayabang ang lilang tinta sa kanilang kuko.

Kayo ang nagluklok sa kanila, kayo ang huwag magreklamo.
Nagpadala kayo sa mga patalastas, sa mga jingle, sa itsura, sa pangako.
Pumunta lang ata kayo sa presinto para magpalitrato at makisali sa uso.
Oo nga, hindi nga ako bumoto, ngunit pinag-isipan ko ang desisyon kong ito.

---

*Hango sa totoong buhay. Hindi bumoto ang awtor sa nakaraang eleksyon noong May 13, 2013.

Saturday, November 10, 2012

Death by MRT*


Hindi ko mawari kung maaawa ako
Sa mga nagsisiksikang Pilipino--
Babae, bakla, tomboy, lalakeng empleyado
Sa isang tren na tila ginto, Ang mga tao
Ay nag-uunahan na tila fans day ni Vic Sotto.

Hindi ko alam kung ako'y mabubuwisit
Kay Kuyang pawisin at walang awang nang-iipit
Sa aking katawang paslit, gamit ang kanyang puwit
O sa mamang pumupuslit ng kaunting pagdiit
Sa aking dibdib na maliit.

Hindi ko alam kung ako'y matatawa
O mapipikon sa mga kumento ng iba
Na tila masaya
Nagagawa pang bumanat at magpatawa
Kahit tagaktak ang pawis at hindi na makahinga.

Ako ay galit, balisa, at nais magwala
Kung bakit tayo'y pumapayag sa ganitong kalala
Na buhay pasahero--araw-araw nag-aalala
Kung magkakasya at makararating sa opisina
O maiipit at hindi na makalalabas pa
Sa impyernong hawla
Na pinatatakbo ng makalawang at lumang makinarya.

*Isinulat habang ang awtor ay nag-aagaw-buhay sa loob ng MRT

Tuesday, July 10, 2012

Dyip

"Napakain ko na ba ang mga aso?"
"Papasok kaya ang diablo?"
"Sino na naman kaya ang babae nito?"
"Kelan ba ang huling araw ko?"
"Tollgate na pala tayo."

Sa isang kahong may apat na gulong,
Lahat nagmimistulang pipi, iba'y bumubulong
Lulan nito'y estudyante, manedyer, ina, tindera ng bagoong
Tumatakbo ang mga isipan kasabay ng ikot ng gulong.

Dyip kung tawagin ang kahong ito
Umaandar, mabilis, maingay, ang usok ay abo
Laman nito'y iba't ibang uri ng tao
Na may iba't ibang iniisip, iba't ibang kuro-kuro.

Walang maaninag na pagbabago sa mukha
Malayo ang tingin, utak ay malaya
Mistulang piping nagmamasid, natatakot, nagtataka
Ngunit dyipni'y nananatiling payapa.

Iba'y umiidlip, ayaw na lamang mag-isip
Ulo'y nakasandal sa katabi, ang iba'y nakahalukipkip
Ang isa'y binabasa ang lahat ng makita para di mainip
Ang iba'y nangangarap, habang ang iba'y nananaginip sa dyip.

Ayan na, kung kailan ang ulo'y malapit na mahulog
Dyip ay bumabagal, ang isa'y nauntog
Ang iba'y pumupuslit pa ng kaunting tulog
Habang ang iba'y patuloy ang tugtog.

Sigaw ng drayber, "LRT, MRT, Pasay Rotonda na,"
Mula sa pagmumunimuni'y nagising na
Mula sa pagkakaidlip, naalimpungatan na
"Dito na pala," sa tunay na mundo'y pinakawalan na.

Yosi

Mga paa ni Predo'y kumakaripas, yabag ay malakas
Patungo sa mamang nakaupo't tila nag-uubos ng oras
Dudukot ng barya sa pantalong kupas
Tumakatak ang kahoy, lumitaw ang pagmumulan ng lakas
Yosi, eto na sa wakas.

Sariling dakma kusang kinuha sa ulo
Inilabas ng mama ang nakataling posporo
Sa kahong gawa sa kahoy na pinagtagpi para mailako
Sa uhaw at nangangatog na bunganga'y isinubo
Sinindihan ang puwitan, unti-unti, kaba'y naglaho.

Hithit-buga, hithit-buga, diyan kami kumikita
Mga taong problemado, mga busog, gabi man o umaga
Barya-barya ngayon, isang daan na mamaya
Pampakalma, pampagising, bukas sunog na ang baga
Hithit-buga, hithit-buga, maya't maya may nawawala.

May paparating, handa na ang takatak
Kamay'y nakaamba, sumisikip na ang hawak
"Lights, dalawa," iisa lang ang tiyak
Bulong ng mama sa hangin, "sasamahan yan ng kendi para swak."
Bulalas ng binata'y "Tsaka dalawang Maxx para lima,"
Mama'y muntik mapahalakhak.

Saturday, May 26, 2012

Antok


Matapos nguyain
Lunukin ng mabilis
Ang bawat butil ng
Pagkaing hinain
Hayan na at paparating
Ang isang
Matinding
Antok
Na
Tila
Bumabalot
Gusto akong
Lunurin.

At
Magpasailalim
Sa kanyang lakas
At kapangyarihan
Na ako'y dalhin
Sa lugar na aking
Hinihiling.

Walang magawa kundi
Tapusin ang tula
At isuko ang sarili
Ipipikit ang mata
Sasandal ng saglit
At mawawala muna.

Heto na.

Makikita na naman kita.

Tiwala


Hindi magpapadala
Sa galit na nadarama
Nang aking makita
Ang litratong kasama siya.

Hindi magtatanim
Nang kahit anung lihim
Hindi magbabadya sa dilim
Walang galit na kinikimkim.

Magtitiwala
Maniniwala
Sa iyong salita
At iyong gawa.

Sinabi mong ako ang tunay,
Nag-iisa't walang kapantay
Hanggang sa mamatay
Hindi maghihiwalay.

Maniniwala
May tiwala
Magtitiyaga
Sa pag-unawa

Para saan pa ang pag-ibig
Kung madaling mawawala
Kung wala kang tiwala?
Wala.

Panaginip


Ikaw ang nagsisilbing
Kumot sa aking lamig
Braso mong nakahalukipkip
Sa aking dibdib
Mahigpit
Tila nagsasabing
Ako'y iyong iniibig
Ng higit sa init ng gabi
Dumadaing
Sa pagsinta
Gaya nang dilim
Humihikbi
Walang mabanaag
Hinahanap
Ang iyong ngiti
Hiningang umiimpis
Sa tikom mong labi

Walang nakaaalam
Ng sarap at halimuyak
Nito kundi ako
At ang malambot na unan
Ang maruming kumot
At ang gabi
Nag-iingay
Sa katahimikan
Ang tunog
Ng iyong hilik
Dahan-dahang
Nilulunod ako Sa panaginip
At sa dalanging
Sana'y magising
Nang ikaw pa rin
Ang aking kapiling.

Sa ngayon ay iidlip
Nang may pangarap
Na isang gabi muli
Sabay tayong
Mananaginip
At magigising
Sa bagong umaga
Para sa atin.

Tuloy-tuloy ang daloy
Ng mga mithiin
Ng mga panahon
Na hihimlay
Babangon
At susugod sa yurak
Ng buhay
Walang hangganan
Ang pagsinta
Hangga't nariyan ka
Narito lamang ako.

Ngayong gabi
Tanging hiling
Isang daing
Sa pagpikit
Ng mga mata
At pagpatay
Sa liwanag
Ikaw ay makita ko
Muli.

Kay sarap managinip
Sa iyong piling

Panaginip.

Ang Tula ng Kalapating Mababa ang Lipad


Nalalasahan ko pa ang tamis ng huli mong halik
Ang diin ng iyong paghagod sa aking buhok
Habang ako'y nalulunod sa sarap na dulot ng pag-ibig
Tila kahapon lang nang tayo'y nagniig
Ngayo'y humihikbi at balisa
Walang ninanais makamit kundi ang makita
At mahalikan muli ang iyong mata
Kung maaari ko lamang ibalik ang gabing iyon
Na isinuko ko ang buong ako sa iyo
Bawat daplis ng iyong halik at bawat paghinga
Umiiyak ang kalooban ko sa saya
Na sa walong bilyong tao sa mundo
Pinili mong ako ang makasama mo.

Sa paghaplos mo sa aking katawan
Dinadama ang bawat pag-init ng laman
Nakapikit, ako'y napangiti
Tila narating ko na nga ang langit.

At nang ako'y pumailalim at sumuko sa gabi
Nilalamig, lahat ng aking gayak ay nasa sahig
Naramdaman ko ang pag-alis mo sa aking tabi
Hindi mo nakita ang luha sa aking mga mata
Dahil alam kong isang bagay ang totoo
Hindi mo ako ginamit
Minahal mo ako.

Paano

Paano natatapos ang pagmamahal
Paano natitigil sa pagaalala
Paano nalalaman na higit mo siyang mahal
Paano nawawala ang pagpapahalaga.

Paano nahihinto ang pagibig
Paano naibibigay sa iba
Paano nakakalimutan ang isa
Paano natututunang piliin ang iba.

Paano nararamdaman ang katapusan
Paano nabubuo ang simula
Paano nililimot ang nakaraan
Paano gigising sa umaga.

Paano nasisimulan ang pagmamahal muli
Paano nakakasigurong mahal kita
Paano nasasabing hindi na kita mahal
Paano natatapos ang pagmamahal?

Wednesday, May 16, 2012

Walang hangganan

Yayapusin kita
Hanggang sa
Hindi mo na maalala
Kung sino ka.
Hahalikan kita
Hanggang sa
Dumugo na ang labi
Sa pagkagat at pagsanggi.
Mamahalin kita
Hanggang sa
Walang hangganan.
Yayapusin kita ngayon
Hahalikan din
Ngunit mamahalin kita
Araw-araw
Parati at palagi
Parehas man 'yun
Gagawin ko pa rin.
Mahal na mahal kita.
Kahit kailan, kahit saan,
Ikaw lang.
Yapusin mo ako
Halikan mo ako
Kahit 'wag mo na akong mahalin
Mamahalin pa rin kita.
Walang hangganan.

Wednesday, April 25, 2012

Katotohanan

Gaano kasakit
Malaman ang
Katotohanan?

Mas masakit pa
Kaysa makarinig ng
Kasinungalingan.

Kung kailan kailangan kong
Patibayin ang aking
Pananampalataya,
Saka ako nawawala.

Ang tanging alam ko
Hindi ko hawak ang buhay ko.
Hiram lang ito, at nasa sa akin kung
Susuko ako o ipaglalaban ko ito.

Kahit kailan hindi ako susuko.
Alam kong mas maganda ang plano Niya
Kaysa sa mga pangarap ko.

Hindi pa pala nawawala,
Nariyan parin ang pananampalataya ko.
Diyos ko, Diyos ko,
Tulungan mo ako.

Tubig, Tiwala, at Tula

"Kaya mo 'yan, ikaw pa."
'Yan ang iyong patuloy na bigkas
Habang ako'y nagpupumiglas
Sa takot na dulot ng tubig
Na tila nakayapos sa akin.

Babad man sa init ng araw
Panay liwanag ang natatanaw
Tiwala ko'y nasa sa iyo
'Pagkat tinig mo pa lamang
O bisig na kakapitan, panatag na.

Takot ko sa tubig
At tiwala ko sa iyo
Parehas napatunayan
Ngunit hindi nabigo
Ako'y nagtiwala sa tubig dahil sa iyo.

"Ang galing mo."
'Yan ang bulalas mo
Hindi man narating ang banderitas na tanda
Mayroon naman tayong habang buhay
Para matuto, magtiwala, at magtula.

*matapos lumangoy ng awtor sa tulong ng kanyang minamahal

Saturday, October 15, 2011

Para sa aming Lolo Fred Santiago, Sr.


Isa ka raw mahusay na litratista
Marahil sa iyo nagmana
Ang kahusayan sa sining ng aming ama at mga kapatid niya.

Isa ka raw mabuting asawa
Marahil sa iyo nakuha
Ang katangiang mapagmahal ng aming ama.

Nakakalulungkot lamang na
Hanggang kwento na lang
Ang iyong ugali, galing, at mukha.

Marahil maaga kang kinuha
Ng Panginoong sayo'y lumikha
Upang ang mga anak mo'y matutong tumayo sa sarili nilang paa.

Agad-agad ka mang nagpaalam sa madla
Hindi ka man lang nakilala o nakita
Ngunit tanging iniwan mo'y magagandang alaala.

Sa isang bagay ako ay sigurado
Ang aking ama na nanggaling sa iyo
Ay hindi magiging siya kung di dahil sayo

Isa ka raw mabuting ama.
Kanino pa ba magmamana
Ang iyong Junior, ang napakabait naming Papa.

Maligayang kaarawan sa aming Lolo
Sana po makarating sa inyo ito.
Mahal po kayo ng inyong mga apo.

Salamat po sa oras na itinagal niyo sa mundo
Makabuluhan, mahalaga, kapakipakinabang
Kayo ang puno ng angkan ng magagaling na Santiago.

Maligayang Kaarawan po, Lolo*! :)

---
Isang pag-alala sa ika-80 anibersaryo ng kapanganakan ni Alfredo Villaranda-Santiago, Sr. (Oct. 16, 1930-May 16, 1976)

Sunday, June 12, 2011

Bahala na si Bathala

bahala na yan.

Bahala na si Bathala

Si mahabaging bathala

At ang kanyang mga alagad

Ang mga dyosa na Kagubatan.

Ang kagubatang makasalanan

Ginawang Makasalanan ng mga Mortal na tao

Mga mortal na nagagawang immortal ng pag-ibig

Pag ibig, Pagmamahal. kapag hindi ka umibig at nagmahal. para kang Orasan na paralisado, walang baterya

Di bale nang umibig at masaktan kaysa hindi man lamang makaramdam nang pag-ibig ni minsan

Walang Sasarap sa pagmamahal. Ang pakiramdan ng Isang taong Nagmamahal ay Isang Immortal, Buhay na Sining. Buhay na Pag-asa, nagbibigay katuturan para mabuhay, lumaban sa araw - araw na Digma ng Buhay

Ngunit ang pag-ibig na hindi masuklian ng pag-ibig ay tila parang pagkapit sa pisi ng lobo habang ang hangin ay umiihip ng malakas... Pero kumapit ka lang ng kumapit...

Ang Importante Umiibig ka ng Walang Hinihintay na kapalit. o Pag-ibig na hindi Napipilitan.
yan ang totoo

Ang pinakamahalaga ay hindi mo ikinubli ang pag-ibig na iyong nadarama...bagamat ito'y iyong itinanghal, ipinakita... Yan ang pag-ibig... Bulgar, hubad, ngunit buo. Totoo.

kaya nga hindi ko Ikinubli ang pag-ibig na naramdaman ko, bagamat alam ko ang kahahantungan ng Pinantasya ko, itinuloy ko parin. kasi hindi naman niya sinabing tumigil ako, wag daw akong magbago.

Itinanghal ko parin ang Obrang Likha ng Pag-ibig ko.

At kung ano ang nais nang iyong iniirog ang siya mong gawin, siya mong sundin, pagkat iyon ang ibinubulong ng puso mong umaasa sa kahit katiting na pagtingin... Wag kang tumigil magmahal... Dahil iyan lamang higit sa lahat ng bagay sa mundo, ang magpapaligaya sayo at sa lahat ng araw at sa lahat ng gabi sa buhay mo.

Kung Isang Araw Ipagtabuhayn ako ng sinisinta ko. tatanggapin ko. kung masaya siya sa Pasya nya

Simula bukas. susubukan kong dumistansya muna, para bigyan siya ng kalayaang mag isip. para sa sarili nya, lubha akong nababahala para sa kanya.

Iyong pakatandaan, aking katoto, lahat ng bagay ay may takdang oras. Maging ang pagibig na hindi bagay, hindi nahahawakan, hindi nakikita, ay nakatakda na. Bahala na si Bathala, si mahabaging Bathala kung ano ang kanyang pasya, siya nawa.

-wakas-

*isang tula mula sa pinaghalong mga salita at damdamin ni Denison Manuel at ng inyong lingkod ukol sa pag-ibig na tila kasalanan ngunit kailangang pangatawanan.

Thursday, May 19, 2011

"Si Kevin"

Narinig ko ang pangalan mo
Ngunit hindi ikaw ang tinawag
Ngunit bakit sa isang sambit
Lang ng pangalang binubuo
Ng limang letra.

Ako ay tumingin
Ngunit alam ng aking diwa
Na hindi naman ikaw
Ang tinawag kundi
Tanging pangalan mo lang?

Dahil lahat ng ikaw
Lahat ng sayo
Iniibig ko.

Kakaiba ang nadama
Nang tumikwas ang mga salita
Pumanaog sa hangin
Dumampi sa tainga
Hiniling na sa pagbigkas
Ay makita rin kita.

Laging hinahangad
Pumapalaot sa isipan
Tuwing inaantok
Laging gising ang puso
Panay tuloy ang pasok
Ng inspirasyon.

Kailangang huminga
Mula sa pagkatirapa
Nang marinig ang 'yong 'ngalan
Sinambit sa kaliwa
Nakamit ko na ang lahat.

Hinintay kita
Hindi dumating
Pero laging sumasagi
Ang ngalan mo't mukha
At lumalapnos sa isipan.

Sadyang kay lalim
Nitong nararamdaman ko
Para sayo na kahit
Sa limang letrang salitang narinig
Napangiti ako.

Monday, March 7, 2011

Bakit ako patay na patay sa The Script

Bakit ba patay na patay ako sa'yo,
The Script?

Paggising sa umaga,
Isang minuto lang mabagot
Bunot agad ng cellphone
Saksak agad ng earphones
Pinili ang playlist
Pinakamalakas na volume
Magandang umaga. :)

Pag dinapuan na ng antok,
Sa kama kong nakalubog
Cellphone aabutin
Hindi para iset ang alarm
Kundi para patugtugin
Ang playlist ng mga kanta ninyong
Malumanay
Iuugoy ako sa kawalan
Magandang gabi. :)

Paggising muli,
At bago matulog
Boses mo lang ang puhunan
Maganda na ang araw,
Maganda na ang gabi,
Maganda pa ang ngiti
Kaya nama'y
Patay na patay ako sa'yo, The Script.

Kung nakakaintindi lang kayo ng Tagalog
At mababasa niyo ito
Malamang aalukin niyo akong
Umakyat sa stage
Sa Araneta Coliseum
Apatnapu'ng araw mula ngayon.

Monday, February 28, 2011

Masayang bagay

Masasayang bagay na
Akala mo wala lang
Pero nakakapagbigay sa'yo
Kung hindi ng saya,
Kahit isang ngiti.

'Yun eh 'yung mga segundo na
Pilit kong pinapatay
Tumatakbo habang ang iba'y naglalakad
Makarating lamang
Sa tabi mo
Agad-agad.

'Yun eh 'yung mga minuto
Na akala mo galit ako
Pero naghihintay lamang
Ng yakap mo na kung ipagdamot
Babawiin nalang at pwede bang
Joke lang 'yung galit ko?

'Yun eh 'yung mga oras
Na malayo ka sa akin
Pero alam kong kahit gaano katagal
Ka umorder sa fastfood
Sa tapat ng upuan ko
Ikaw uupo
At mananatili.

'Yun eh yung mga araw
Na kahit milya-milya ang layo natin
Sa isa't isa
Text ka ng text na sana
Kasama mo ako diyan eh di sana
Mas masaya ka.

'Yun eh yung mga buwan
Na kahit ilang beses tayo kumain sa labas
Manuod ng sine, mag-away
Hindi tayo nagsasawa
Sa mukha o damit ng isa't isa
At kinikilig pa rin sa bawat halik.

'Yun eh yung isang taon
Na walang mintis
Wala ni isang saglit
Na tumigil akong
Magmahal sayo
At kahit kailan
Hindi naramdaman
Na ako'y hindi mo na mahal.

Alam mo yun
Sabi ko nga sa'yo
Sa dinami-dami ng tao sa mundo
Bakit gusto mong kasama ako?

Ang tali-talino mo,
Pero bakit ako ang pinili mo?

Ang laki-laki mong tao,
Pero bakit pag sa akin
Ang amo-amo mo?

Ang ganda-ganda ko,
Pero ikaw lang nagsasabing panget ako
At alam kong joke lang yun.

Hehe.

Mahal mo nga talaga ako.

Pag-ibig nga talaga 'tong meron tayo.

At obvious ba,

Mahal na mahal kita. Sobra lang.

Ikaw ang pinakamasayang bagay na dumating sa buhay ko.
Pudpod na yan, pero totoo.
Yiee ang sweet ko.

Nga pala,
Nung gumraduate ka,
'Yun ang pinakamasayang
Araw sa buhay ko.
Kasi andun ako
Pinapanuod kita
At alam ko kung gaano ka kasaya. :)

Bilib ako sa'yo, mahal! I love you!

Tuesday, February 22, 2011

Para sa mga yuppies

Kung may isang bagay na
Kinatatakutan ng aking mga kasing
Edad na nagtatrabaho na malamang
Yun ay ang tunong ng alarm clock sa umaga
Na nagsusumigaw na gumising ka na
Umaga na, umaga na naman.

Halos lahat ng aking kakilala
Araw-araw nagbubunganga
Na gusto nang magpahinga
Ngunit ang malungkot na balita
Wala nang sembreak, ni holiday di kasama.

Matapos maghirap ipasa ang mga eksamen
Tapusin ang thesis mag-isa, mag-nobena
Na sana makapagtapos ng maaga
Eto pala ang mapapala.
Araw-araw pare-parehas
Ang sinasambit kundi
Gusto kong magpahinga, sana Biyernes na.

Ayoko na, gusto ko nang magbalik eskwela
Sana pala binagsak ko nalang muna
Ang ibang subjects, di sana
Ako ngayo'y petiks, pagala-gala
Hindi naguubos ng oras at enerhiya
Dito sa malamig at tahimik na opisina.

Ang aking ipinagtataka
Bakit ang ating mga ama at ina
Ni minsan hindi tayo nakarinig
Ng reklamo na ayaw na rin nila
Magtrabaho?

Sino ba namang hindi gaganahan
Kung para sa anak mo ang iyong pinaghihirapan
Kung para sa kakainin ninyo bukas ang pinagiisipan
Araw-araw, para sa tuition ang pinag-iipunan.

Marahil kaya ang dali para sa atin
Ang magreklamo'y dahil
Kulang tayo sa inspirasyon
Ngunit subukan mong magkaroon ng anak
Hindi ba't gusto mong maging maayos ang buhay niya
Marami kang pangarap para sa kanya

Sino ba namang hindi gaganahan
Kung kapalit ng bawat oras sa opisina
Ay ligaya sa mga mata ng iyong pamilya
Na minsan sa buhay mo'y
Pinapangarap mo lang.

Nakakatamad, nakakapagod
Pero ilang taon ka na ba sa trabaho mo?
At ilang taon ka na?
Ganun ka na katagal binubuhay ng magulang mo.
Wala kang karapatang magreklamo.

Hindi ba sila papasang inspirasyon?