Halik ang tanging almusal,
Humihikab ng nakangiti.
Napatingin sa relo ng katabi,
Napalunok, nagising.
Kunot ang noo
Sa nakitang eksena
Mukang pamilyar,
Wala na 'bang katapusan?
Sa simula'y tahimik,
Pagdaka'y nagsusumiksik,
Ngiting kay hirap ipilit,
Pag labas ay gula-gulanit.
Sa Norte, Cubao, Ayala, Edsa,
Bawat araw kailangang tahakin
Bawat umaga'y isang pasakit
Bawat minuto'y walang kapalit.
Naipit na si Manong,
Malaking t'yan ni Ate'y tila harang,
Si Kuyang di makakita, makarinig
Siyang mapalad, siyang payapa.
Nasaktan, di ininda,
Nasaktan muli, pumiyok,
Patuloy na nasasaktan, tinitiis,
Bibig ng isa'y walang mintis.
Umagang kay ganda, almusal mo'y mura
Sikip ng dibdib, hindi makahinga,
Bag mong iniingata'y 'wag nang umasang
Makalalabas pa ng walang mantsa.
Araw-araw, gabi-gabi,
Bakit ganito ang buhay ko?
'Pagkat maikli, laging may hinahabol
Oras, 'di mahihinto, 'di maibabalik.
Pilang hindi nawawala,
Taong hindi nauubos,
Tren na paisa-isa
Oras mo'y tapos.
No comments:
Post a Comment
May gusto ka bang sabihin?