Thursday, December 23, 2010

Pasko

Ano ang pagkakaiba ng Pasko ngayon
Kumpara sa nakagisnang tila'y kahapon?
Noo'y hanggang tanaw lamang kita,
Inaantay, nag-aabang, isang sulyap, sana.

Handa ninyong hindi ipinagdaramot
Panalangin kong sana'y maudlot
Muna dahil ako'y nagsisimba
Nagmamadaling umuwi para makita ka.

Wala ka pa, dininig aking dasal
Ako nama'y panay ang dungaw sa bintana
Umaasa na bago mag-Noche Buena
Makita ka, makita ka, makita ka.

Ika'y nariyan, malapit ngunit tila
Malayo, dahil hindi maabot ka,
Pinipilit lumapit, nahihiya, ngunit sabik
Ding-dong, heto na ang aking ligaya.

Nang makita ka'y tinago ang ngiti
Kunwari'y hindi alam, umiiwas ang tingin,
Nang iabot ang handa, hindi mo lang alam
Pasko ko'y nakumpleto mo, may kasama pang ulam.

Dininig aking dasal sa bawat Simbang Gabi,
Ang mga Pasko natin noo'y aking itatabi
Sapagkat ika'y narito na sa akin,
Paskong noo'y kay lamig, iyong painitin.

Noon, tuwing Pasko, ikaw ang hanap ko,
Ngayon, sa araw ng Pasko, ako'y kasama mo.

*hango sa totoong buhay - J.M.

2 comments:

May gusto ka bang sabihin?