Wednesday, February 16, 2011

Papa

Hindi ko makakalimutan
Kung gaano ko ginusto
Na sana naroroon ka
At nanunuod sa akin

Habang inaabot ang diploma ko
Mula sa UP,
Nasabi sa sarili,
Na tila may luha sa mata,
Natupad ko ang pangarap mo.

Naalala ko pa noong ako'y
Maliit pa sa gamu-gamo
Na ikaw ay humahanga
Sa galing ko gumuhit, at sa eskwela.

Hindi mo lang alam
Sa'yo nagmula lahat ng iyon
Minana ko, hindi mo ipinagdamot
At naging inspirasyon ko sa bawat pagbangon.

Ang aking talento
Ang aking pagkatao
Ang aking pangarap
Wala lahat, kung di dahil sa'yo.

Kaya nang ika'y nangibang-bansa
Hindi dahil gusto mo
Ay tila may napakalaking nawalang
Puwang sa ating bahay, sa aming buhay.

Ngunit kahit ika'y nawalay sa aming matagal
Di nawala ang aming pagmamahal at iyong
Tiwala'y di kailanman ninais masira
Kaya't nag-aral, nagsikap, para sa muling pag-uwi'y
Masaya.

Sa tuwing ika'y uuwi, binibilang ang araw
Sa tuwing ika'y aalis, luha'y di kayang pigilan.
Kung may magagawa lang ako para manatili ka nalang dito
Iyon ay mag-aral ng mabuti, at sundin ang iyong payo.

Salamat at kahit malayo ka habang kami'y lumalaki
Ni minsan 'di naiba ang trato mo sa amin
Kami'y iyong mga anak pa rin na naghihintay, nag-aabang
Sa iyong pasalubong, sa iyong pagdating.

Gustuhin ko mang kasama ka namin sa bawat araw
Uunahi't uunahin mo pa rin
Ang kami'y may makain, para sa araw-araw
Mahirap man ang buhay, mahal mo naman kami.

Darating din ang araw na hindi mo na kailangang umalis
Ang araw na 'di ka na kailangan pa naming mamiss
Ang araw na makapag-papataas na tayo ng bahay
Ang araw na bawat umaga'y maririnig ang iyong ingay.

Abalang-abala kumayod sa Saudi
Mag-aayos ng mga sira sa bahay pagkauwi
Hindi ka napapagod, hindi ka tumatanda
Kami ang iyong inuuna, sarili mo'y mamaya na.

Maligayang kaarawan, Papa.
Nasa tula na ito ang lahat ng pangarap ko.

Mahal na mahal kita. Salamat po sa tiwala.

No comments:

Post a Comment

May gusto ka bang sabihin?