Isa ka raw mahusay na litratista
Marahil sa iyo nagmana
Ang kahusayan sa sining ng aming ama at mga kapatid niya.
Isa ka raw mabuting asawa
Marahil sa iyo nakuha
Ang katangiang mapagmahal ng aming ama.
Nakakalulungkot lamang na
Hanggang kwento na lang
Ang iyong ugali, galing, at mukha.
Marahil maaga kang kinuha
Ng Panginoong sayo'y lumikha
Upang ang mga anak mo'y matutong tumayo sa sarili nilang paa.
Agad-agad ka mang nagpaalam sa madla
Hindi ka man lang nakilala o nakita
Ngunit tanging iniwan mo'y magagandang alaala.
Sa isang bagay ako ay sigurado
Ang aking ama na nanggaling sa iyo
Ay hindi magiging siya kung di dahil sayo
Isa ka raw mabuting ama.
Kanino pa ba magmamana
Ang iyong Junior, ang napakabait naming Papa.
Maligayang kaarawan sa aming Lolo
Sana po makarating sa inyo ito.
Mahal po kayo ng inyong mga apo.
Salamat po sa oras na itinagal niyo sa mundo
Makabuluhan, mahalaga, kapakipakinabang
Kayo ang puno ng angkan ng magagaling na Santiago.
Maligayang Kaarawan po, Lolo*! :)
---
Isang pag-alala sa ika-80 anibersaryo ng kapanganakan ni Alfredo Villaranda-Santiago, Sr. (Oct. 16, 1930-May 16, 1976)
No comments:
Post a Comment
May gusto ka bang sabihin?