Nakasuot ng puting t-shirt, batang-bata
Mga mata'y malikot, ngunit may kaunting hiya
Alam mo bang ngiti't tawa mo'y nagpapasaya
Sa isang batang payat na nakasilip sa bintana.
Walang lakas ng loob magpakilala
Hanggang titig at tingin, titili na lamang bigla
Tuwing kami ay bibisita sa bahay ng aming lola
Hangad lagi'y sana'y makita ka
Bumubulong ng dasal, humihiling kay Bathala.
Kung hindi man masulyapan, leeg ay humahaba
Tuwing may mag-do-doorbell sana'y hindi bisita
Nagbabakasakaling ikaw ang makita
Nakatayo, nakaabang, may pinggang dala-dala
Dali-dali akong magsusuot ng tsinelas, kakaripas pababa.
Kapag kaharap ka na'y ang hirap nang huminga
Minsan natatapos ang usapan ng walang salita
Minsan nama'y may tanong na isa, o bigkas na walang kwenta
Pero sa bawat pagkakataon na nakikita ka
Nabibingi sa aking pagtili maging ang aking lola.
Dumating ang pagkakataong ikaw ay nakausap na
Hindi man sa personal, pero langit ay tila narating ko na
Habang nagta-type, dis-oras ng gabi'y nakatanga
Sa bawat salitang bumubulaga sa aking mukha.
Di baleng magkandapuyat-puyat, lumabo ang maliliit na mata.
Paano pa noong sinabi mong ako'y mahal mo na pala
Pwede na akong mamatay, p@&#!(!#(!!!
At sa araw-araw na tayo'y nagkakasama
Iisa lang ang nasa isip tuwina
Natatakot, nagdududa, baka ako'y nananaginip lang pala.
Kinukurot ang sarili, ngunit tunay ka ngang talaga
Dahil para sa aki'y isa kang pangarap na nagkatotoo na
Hindi ko makakalimutan yaong isang umaga
Na nasilayan kita ng unang-una noong tayo'y bata pa
Hindi ko pa man alam kung ano ang pag-ibig, minahal na kita.
Hanggang sa minutong tinatapos ko itong aking tula
Hindi pa rin ako makapaniwala
Na ang isang lalaking sa pangarap ko lang noon sinisinta
Ngayo'y sinasabihan ako ng, "mahal na mahal kita."
Magkasama na tayo hindi lang isang taon, kundi dalawa.
Maligayang ikalawang taong anibersaryo, sa atin Mahal ko!
Hangad ko'y makasama ka hanggang sa ikalawang buhay ko.
2011.11.23
Nagsusulat ka rin pala ng poems! Ang galing!
ReplyDeleteWow, naintindihan mo naman? Hehehehe. Thanks for reading, Tiff!
ReplyDelete