Tuesday, July 10, 2012

Yosi

Mga paa ni Predo'y kumakaripas, yabag ay malakas
Patungo sa mamang nakaupo't tila nag-uubos ng oras
Dudukot ng barya sa pantalong kupas
Tumakatak ang kahoy, lumitaw ang pagmumulan ng lakas
Yosi, eto na sa wakas.

Sariling dakma kusang kinuha sa ulo
Inilabas ng mama ang nakataling posporo
Sa kahong gawa sa kahoy na pinagtagpi para mailako
Sa uhaw at nangangatog na bunganga'y isinubo
Sinindihan ang puwitan, unti-unti, kaba'y naglaho.

Hithit-buga, hithit-buga, diyan kami kumikita
Mga taong problemado, mga busog, gabi man o umaga
Barya-barya ngayon, isang daan na mamaya
Pampakalma, pampagising, bukas sunog na ang baga
Hithit-buga, hithit-buga, maya't maya may nawawala.

May paparating, handa na ang takatak
Kamay'y nakaamba, sumisikip na ang hawak
"Lights, dalawa," iisa lang ang tiyak
Bulong ng mama sa hangin, "sasamahan yan ng kendi para swak."
Bulalas ng binata'y "Tsaka dalawang Maxx para lima,"
Mama'y muntik mapahalakhak.

No comments:

Post a Comment

May gusto ka bang sabihin?