Tuesday, July 10, 2012

Dyip

"Napakain ko na ba ang mga aso?"
"Papasok kaya ang diablo?"
"Sino na naman kaya ang babae nito?"
"Kelan ba ang huling araw ko?"
"Tollgate na pala tayo."

Sa isang kahong may apat na gulong,
Lahat nagmimistulang pipi, iba'y bumubulong
Lulan nito'y estudyante, manedyer, ina, tindera ng bagoong
Tumatakbo ang mga isipan kasabay ng ikot ng gulong.

Dyip kung tawagin ang kahong ito
Umaandar, mabilis, maingay, ang usok ay abo
Laman nito'y iba't ibang uri ng tao
Na may iba't ibang iniisip, iba't ibang kuro-kuro.

Walang maaninag na pagbabago sa mukha
Malayo ang tingin, utak ay malaya
Mistulang piping nagmamasid, natatakot, nagtataka
Ngunit dyipni'y nananatiling payapa.

Iba'y umiidlip, ayaw na lamang mag-isip
Ulo'y nakasandal sa katabi, ang iba'y nakahalukipkip
Ang isa'y binabasa ang lahat ng makita para di mainip
Ang iba'y nangangarap, habang ang iba'y nananaginip sa dyip.

Ayan na, kung kailan ang ulo'y malapit na mahulog
Dyip ay bumabagal, ang isa'y nauntog
Ang iba'y pumupuslit pa ng kaunting tulog
Habang ang iba'y patuloy ang tugtog.

Sigaw ng drayber, "LRT, MRT, Pasay Rotonda na,"
Mula sa pagmumunimuni'y nagising na
Mula sa pagkakaidlip, naalimpungatan na
"Dito na pala," sa tunay na mundo'y pinakawalan na.

No comments:

Post a Comment

May gusto ka bang sabihin?