Bawat araw ay isang biyaya,
Bawat gabi ay isang pagsubok.
Bago ako makasakay ng tren,
Isang buntis na walang alalay
Biglang nawalan ng malay.
Wala akong magawa para tumulong,
Wala ring nagawa ang asawa niyang
Hinayaan siyang umalis ng walang kasama.
Ang ibang pasahero'y dali-dali siyang tinulungan
Nang siya'y magkamalay, saka dumating ang tulong.
Pagsakay ng dyip, medyo nakahinga
Ngunit kinabahan sa isang lalaking umamba
Sumabit sa dyip at biglang nagwika;
"Hindi ho ako masamang tao, hihingi lang ho ng tulong
Para sa anak ko."
Nagngilid ang aking luha sa kanyang talumpati
Hindi ko na kailangang marinig pa ang iba
Naramdaman ko ang hirap niya.
Pagdating sa bahay, nais kong magpahinga
Isang makulay na araw na naman, isang librong naisara
Ngunit bago tuluyang mapapikit sa pagbababasa
Isang malupit na mensahe ang sa aki'y ipinadala
Umiyak ako, hindi ko kinayang malaman na
Ang isang taong mahal ko ng buong buhay ko
Ganun na lamang ako itatwa.
Nanaig man ang galit sa aking puso, inisip ko nalang
Bawat araw ay isang biyaya,
Bawat gabi ay isang pagsubok.
No comments:
Post a Comment
May gusto ka bang sabihin?