Dalawang kaluluwang nasasabik
Masilayan ang makasaysayang gabi
Nag-aabang ng isang pangyayaring
Walang kasiguraduhan
Sabi nila'y pagpatak ng ala-una'y
Ay uulan ng mga tala
Papatak mula sa langit
Kung saan sila patungo'y
Hindi ko alam
Marahil sa langit rin.
Nang bumulusok ang isang tala'y
Napatili, napaiktad
"Ayun! Nakita mo yun?" bulalas ko,
"Oo," sagot niya.
Ang kaligayahang nadama
Na nakita niya ang nakita kong
Isang napakaganda't pambihirang bagay
Yun ang pinakamagandang bahagi ng
Aking buhay
Ang masilayan ang pag-ulan ng mga bituin
Habang nasa piling
Ng taong noo'y parte lamang
Ng iyong mga hiling
Sa kahit aling
Bituin.
Isa-isang bumagsak
Hindi na nabilang kung ilan
Pero sa tuwing may daraan
Puso ko'y nagagalak
"Humiling ka," sabi nya.
"Natupad na," bulong ko sa sarili.
Maya-maya pa't matumal na ang pagbagsak
Dinapuan na rin ng antok, ang mga manok
Ay nagsimula nang tumilaok
Paalam na, mga bulalakaw.
Kung saan man kayo napunta,
Dala ninyo ang hiling ng aming mga puso.
Hanggang sa muli nating pagkikita.
Napakaganda ng gabi.
*hango sa tunay na buhay. Geminid meteor shower, December 14, 2012, 1:00AM-1:30AM.
No comments:
Post a Comment
May gusto ka bang sabihin?