Wednesday, May 15, 2013

Bakit Hindi Ako Bumoto

Isa ako sa ilang milyong Pilipinong hindi bumoto noong ika-13 ng Mayo.
Sabi nila, dahil hindi ako bumoto, wala akong karapatang magreklamo.
Bakit nga ba hindi ako bumoto? Pinili ko ba ito o tawag ng trabaho?
Nasa tulang ito ang mga kasagutan ko.

Isa akong manunulat ng balita sa telebisyon. Masasabi kong may alam ako
Sa galaw ng mga kandidato mapa-lokal o sa Senado.
Marami sa kanila ang nakita ko habang sila ay iniinterbyu
Ng aming mga anchors sa aming istudyo.

Siyempre, hindi ko nakita ang isang kandidato na umiiwas sa talakayang pampubliko.
Hindi dahil maitim o madilim siya; hindi ako nagbibiro gaya ng iniisip niyo.
Napansin ko ang isang kandidatong nalilink sa magandang aktres/modelo
Tunay ngang tila artista na siya kung umasta; natabunan na yata ng keso ang dating iniidolo ko.

Hindi ko naman malilimutan ang isang kandidatong walang partido
Lumikha siya ng ugong sa Twitter kung saan lumabas ang kanyang pagka-Homo
Phobic; matapos siyang makapanayam sa aming show,
Isa-isa niya kaming inabutan ng kanyang bookmark na tila nagsasabing, "Iboto mo ako."

Marami pa akong nakita, narinig, at napanood habang ako'y nagtatrabaho
Nakakasawa na magsulat tungkol ng mga patayan dahil may mga taong gahaman sa pwesto
Nakakauta na magbasa ng balita ng mga kandidatong naninira ng ibang tao
Tipong ilalabas pa ang kalunos-lunos na litrato ng isang babaeng nakalabas ang suso.

Kung nabubuwisit kayong mapanood ang mga balita pagkagaling niyo sa trabaho,
Paano pa kami? Eh kami ang unang nakakaalam ng mga baho ng kandidato.
Habang papalapit tuloy ang araw ng halalan sa taong ito,
Unti-unting pumapalaot sa akin, na hindi ako boboto.

Karuwagan o katamaran ba ang dahilan, ang husga ay nasa inyo
Hindi ako bumoto, hindi dahil may trabaho ako.
Hindi ako bumoto, kahit ako ay rehistrado,
Hindi ako bumoto, dahil kahit maliit ang mga mata ko, mulat ako.

Mulat ako na halos lahat ng kandidato ay namimili ng boto,
Mulat ako na maraming mga Pilipinong pumapatos dito.
Naisip ko, para saan pa ang aking isang boto,
Kung alam ko naman kung saan ito patutungo.

Kung bumoto man ako, pipiliin ko sana si Casiño,
Ihahalal ko rin si Gordon, ang Presidenteng noo'y ibinoto ko
Hindi ko ihahalal si Nancy Binay, hindi rin si Grace Poe.
Nawala na rin ang tiwala ko kay Chiz Escudero.

Marahil iboto ko rin ang mga hindi kilalang independent na kandidato
Dahil gusto kong tumulong sugpuin ang mga dinastiyang matagal nang itinayo,
Ngunit base sa istoryang kanina lamang ay isinulat ko,
Niluklok niyo pala ang mga kandidatong hindi ko gusto.

Niluklok niyo ang mga taong hindi nararapat maupo sa pwesto.
Ipinagpatuloy pa ninyo ang mga dinastiyang kinamumuhian na ng ilang mga Pilipino.
Kung bumoto man ako, mananalo ba ang mga manok ko?
Nasa listahan nga sila, pero bakit sila ay nasa bandang dulo?

Kayong mga nagpunta sa presinto para humalal, ano ang ipinagmamalaki niyo?
Na ginampanan niyo ang inyong tungkulin at karapatang bumoto?
Sa nakikita ko ngayon, lahat ng tao ay nagrereklamo,
Nagmamalinis, nagtuturuan, pero nilitratuhan naman at ipinagmayabang ang lilang tinta sa kanilang kuko.

Kayo ang nagluklok sa kanila, kayo ang huwag magreklamo.
Nagpadala kayo sa mga patalastas, sa mga jingle, sa itsura, sa pangako.
Pumunta lang ata kayo sa presinto para magpalitrato at makisali sa uso.
Oo nga, hindi nga ako bumoto, ngunit pinag-isipan ko ang desisyon kong ito.

---

*Hango sa totoong buhay. Hindi bumoto ang awtor sa nakaraang eleksyon noong May 13, 2013.

2 comments:

  1. Judy! :) Ibinoto ko rin sina Casiño at Gordon (at si Gordon nung tumakbo siya for president last time; sayang di nanalo). Hindi ako against sa mga hindi bumoto; naiinis lang ako dun sa mga hindi bumoto tapos panay reklamo sa resulta ng eleksiyon.

    Anyway, gusto ko lang sabihin na ang ganda nitong sinulat mo. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Wow! Hi, The Province Girl! :)

      Parehas pala tayo ng mga bets, at Presidential bet.
      Ako rin, naiinis sa mga hindi bumoto tapos nagrereklamo. Hehe.
      Maraming salamat sa pagbabasa lalo na pagiwan ng iyong kumento sa aking tula. :)

      Sana basahin mo rin ang iba ko pang mga gawa, at mag-iwan ka rin ng kumento mo. :)

      Papunta na ako ngayon sa iyong blog para mas makilala kita lalo. Salamat!!! :)

      Delete

May gusto ka bang sabihin?